Ang China ay ang bansang pinagmulan ng martial arts. At sinasabing mula rito, lumaganap ito sa ibat-ibang bahagi ng daigdig. Sa ngayon, madalas nating makita sa mga pelikula ang mga martial arts move, gaya ng mga pelikula nina, Jacky Chan,Jet Li, Donnie Yen: syempre, nariyan din ang Mixed Martial Arts (MMA) na ipinakilala naman ng Ultimate Fighting Championship (UFC). Dahil sa impluwensiyang hatid ng mga ito, maraming westerner o taga-kanluran ang nahilig sa pagpa-praktis ng martial arts ng China. Isa na po riyan si Jai Harman.
Si Jai ay taga-United Kingdom at mahigit 10 taon na sa China. Nagpunta siya sa bansa noong siya ay teenager pa lamang upang sundan ang yapak ng kanyang idolong si Bruce Lee, at pag-aralan ang martial art na Wing Chun. Lilinawin lang po natin, hindi lang po Wing Chun ang martial art ni Bruce Lee. Marami siyang pinag-aralang martial art, kasama na ang ating ipinagmamalaking Filipino Martial Art o Arnis/Eskrima/Kali.
Si Jai ngayon ay isa nang assistant teacher sa Beijing Wing Chun, sa ilalim ng kanyang teacher na si Wang Zhipeng. Gusto niyang ipasa sa susunod na henerasyon ang kanyang kaalaman at abilidad sa martial art na ito. Aniya pa, ang China ang kanya na ngayong tahanan. Pakinggan po natin ang kanyang kuwento.