|
||||||||
|
||
20160908ditorhio.m4a
|
Binuksan, Linggo, ika-4 ng Setyembre 2016, sa lunsod ng Hangzhou, sa gawing silangan ng Tsina, ang G20 Summit, at ito'y tatagal nang 2 araw mula ika-4 hanggang ika-5 ng Setyembre. Ang tema nito ay "Patungo sa Inobatibo, Masigla, Interkonektado at Inklusibong Kabuhayang Pandaigdig."
Ang naturang summit ay may temang "Towards an Innovative, Invigorated, Interconnected and Inclusive World Economy." Kalahok dito ang mga lider ng mga kasaping bansa ng G20, mga bansang panauhin, at mga namamahalang tauhan ng mga may kinalamang organisasyong pandaigdig.
Sa kanyang talumpati ng pagbubukas, tinukoy ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, na kinakaharap ngayon ng kabuhayang pandaigdig ang maraming hamon, na gaya ng mahinang lakas sa paglaki, maliit na pangangailangan, ligalig sa pamilihang pinansyal, at di-matatag na kalakalang pandaigdig.
Bilang tugon sa mga hamon, inilahad niya ang limang paninindigan na kinabibilangan ng pagpapalakas ng pagkokoordina sa patakaran ng makro-ekonomiya, pagsasagawa ng inobasyon sa pamamaraan ng pag-unlad, pagpapabuti ng pandaigdig na pangangasiwa sa kabuhayan, pagpapasulong ng bukas na kabuhayan, at pagpapatupad ng 2030 Agenda for Sustainable Development.
Sinabi rin ni Xi, na sa hinaharap, dapat lubos na pakinggan ng G20 ang tinig ng iba't ibang bansa ng daigdig, lalung-lalo na ng mga umuunlad na bansa, at isagawa ang mga aktuwal na aksyon, para ipatupad ang mga ginawang plano sa mga aspekto ng sustenableng pag-unlad, green financing, paglaban sa korupsyon, at iba pa.
Pero, ano nga ba ang G20 Summit? Ano ang pakinabang natin dito, at paano ito makakatulong sa mga umuunlad na bansa na gaya ng Pilipinas?
Ayon sa opisyal na website ng G20 Hangzhou Summit (g20.org), ito'y nagsimula noong 1999, at binubuo ng Argentina, Australia, Brazil, Canada, China, France, Germany, India, Indonesia, Italy, Japan, Mexico, Republic of Korea, Russia, Saudi Arabia, South Africa, Turkey, United Kingdom, United States at European Union (EU).
Ang unang G20 Leaders' Summit ay ginanap noong 2008. Noon namang September 2009, inanunsyo sa Pittsburgh Summit na ang G20 ay ang premier forum for international economic cooperation, at nagbibigay ng importanteng progreso sa global economic governance reform. Kasama naman sa mga panauhin sa summit na ito ay United Nations (UN), International Monetary Fund (IMF), World Bank (WB), World Trade Organization (WTO), Financial Stability Board, International Labour Organisation (ILO), Organisation for Economic Co-operation and Development (OECD) at marami pang iba.
Kabilang naman sa mga tinatawag na engagement groups ang B20, L20, at T20. Sila ay nagsasagawa ng mga pagpupulong upang ihanda ang mga policy recommendations para sa G20.
Sa madaling salita mga kaibigan, ang G20 Summit ay lubhang napakahalaga para sa lahat ng bansa sa mundo, dahil dito nabubuo ang mga international policy na nakakaapekto sa paraan ng pagnenegosyo sa daigdig. Importante ito sa Pilipinas dahil nakadepende rito ang polisiya at panuntunan kung paano makikipagnegosyo ang mga Pilipino sa world market.
Pero, ngayong G20 nsa Hangzhou, hindi lang negosyo ang pag-uusapan, isinama na rin ang green economy, high tech, Paris Agreement at mari pang iba.
Ipinahayag ng mga ekonomista ng Biyetnam ang pag-asang makapag-aambag ang summit sa paglago ng kabuhayang panrehiyon at pandaigdig.
Sinabi ni Do Tien Sam, Dating Presidente ng Vietnamese Academy of Social Sciences na mabagal ang pag-unlad ng kabuhayang pandaigdig at umaasa siyang mapapasulong ng malalaking ekonomiya ng G20 na gaya ng Estados Unidos, Tsina, Hapon at mga bansang Europeo ang pagkakaunawaan at pagbabahaginan ng impormasyon. Ito aniya ay para mapasulong ang kabuhayan, kultura at edukasyon ng rehiyon at daigdig.
Ipinahayag naman ni Le Dang Doanh, ekonomista ng Biyetnam at miyembro ng Committee for Development Policy (CDP) ng United Nations Economic and Social Council (UNESC) ang kanyang pag-asa at paniniwala na makokoordina ng Tsina ang lahat ng mga panig kaugnay ng kani-kanilang kapakanan para mapasulong ang pagkakaroon ng iba't ibang bunga.
Ayon naman kay Pangulong Bounyang Volachit ng Laos, ang paanyaya sa kanya ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina na lumahok sa G20 Summit ay nagpapakita ng pagpapahalaga ng Tsina sa ASEAN.
Ipinahayag ng pangulong Lao ang pag-asang matutupad ang mga proposal at plano na gaya ng plano ng pagpapatupad ng United Nations (UN) 2030 Agenda for Sustainable Development at proposal hinggil sa industriyalisasyon ng mga di-maunlad na bansa. Ito aniya ay para makinabang ang mga mamamayan ng iba't ibang bansa, lalong lalo na ang mga umuunlad na bansa.
Magkasanib namang ipinadala Martes, Agosto 30, 2016, nina Donald Tusk, Presidente ng European Council, at Jean Claude Juncker, Presidente ng European Commission, ang liham sa mga lider ng kasaping bansa ng Unyong Europeo (EU) na nagsasabing nananabik sila sa pagtalakay, kasama ng ibang kalahok sa G20 Summit hinggil sa pagharap sa mga malaking hamong pandaigdig para pasulungin ang pagbangon ng kabuhayang pandaigdig.
Sa nasabing liham, ipinahayag nila na mananawagan ang EU sa G20 na patuloy na suportahan ang magkasamang pagsisikap ng komunidad ng daigdig para sa pagharap sa krisis ng mga refugees, itakda ang roadmap para sa pagpapasulong ng paglaki ng kabuhayang pandaigdig, at pasulungin ang mga pandaigdigang kooperasyon sa transparency ng buwis at paglaban sa terorismo. Para sa mas maraming detalye ng mga pangyayari sa G20 Hangzhou Summit, bumisita lang sa filipino.cri.cn.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |