Tengchong, Lalawigang Yunnan ng Tsina—Nag-usap nitong Biyernes, Oktubre 9, 2020 sina Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, at Luhut Panjaitan, Espesyal na Sugo ng Pangulo ng Indonesia at Koordinator ng Kooperasyon sa Tsina.
Saad ni Wang, ang kasalukuyang taon ay ika-70 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng Tsina at Indonesia. Umaasa aniya siyang gagawing pagkakataon ang okasyong ito, para walang humpay na patibayin ang pagtitiwalaang pulitikal, at tuluy-tuloy na palalimin ang kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan ng dalawang panig.
Dagdag niya, nakahanda ang panig Tsino, kasama ng panig Indonesian, na pasulungin ang kooperasyon sa pananaliksik, pagdedebelop, pagpoprodyus at paggamit ng bakuna ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), at katigan ang pagpapalalim ng pagpapalita ng mga kaukulang departamento at organong medikal ng dalawang bansa.
Diin ni Wang, dapat patingkarin ng dalawang bansa ang namumunong papel sa paggigiit sa katwiran at katarungan, pangangalaga sa multilateralismo at demokratisasyon ng relasyong pandaigdig, at paggarantiya sa komong interes ng mga bagong sibol na ekonomiya. Dapat ding ipakita ang pananagutan ng malalaking umuunlad na bansa.
Sinabi naman ni Luhut na ang kapayapaan at katatagan ng rehiyon ay dapat magkakasamang pangalagaan ng mga bansa at mamamayan ng rehiyong ito, at hindi dapat makialam dito ang tagalabas.
Aniya, nakahanda ang Indonesia, kasama ng Tsina, na katigan ang multilateralismo, at pasulungin ang kaunlaran at kooperasyon ng rehiyon at buong daigdig.
Salin: Vera