Matagumpay na inilunsad ngayong madaling araw ng Tsina ang Chang'e-5 lunar probe. Ito ang ika-6 na misyon ng lunar exploration program ng Tsina. Ito rin ang isa sa mga pinakamasalimuot at pinakamahirap na misyong pangkalawakan ng Tsina.
Ang Chang'e-5 lunar probe ay binubuo ng 4 na bahagi na kinabibilangan ng orbiter, returner, ascender at lander.
Ayon sa nakatakdang plano, sa loob ng susunod na mahigit 20 araw, pagkaraang dumating ang probe sa Buwan, lalapag sa surface o ibabaw ang lander at ascender.
Huhukayin ng lander ang butas na 2 metro ang lalim, para kunin ang halos 2 kilong bato, lupa, at iba pang mga sample, at ilalagay ang mga ito sa ascender.
Lilipad ang ascender sa lunar orbit, at dadaong sa orbiter. Pagkatapos, ililipat ang mga sample sa returner, para dalhin ang mga ito pabalik sa Mundo sa kalagitnaan ng darating na Disyembre.
Ito ang magiging kauna-unahang pagkakataon ng pagkuha ng Tsina ng mga sample mula sa Buwan at pagdala ng mga ito pabalik sa Mundo.
Ito rin ang magiging unang pagkakataon sa loob ng mahigit 40 taong nakalipas, na ibabalik ng tao sa Mundo ang mga bagay mula sa Buwan, pagkaraang isagawa noong 1960s at 1970s ng Amerika at Soviet Union ang kaparehong misyon.
Dahil dito, mahalaga ang misyon ng Chang'e-5.
Ang lugar kung saan lalapag ang Chang'e-5 probe ay ang Mons Rümker sa Oceanus Procellarum, na matatagpuan sa hilagang kanlurang bahagi ng near side ng Buwan.
Ang lugar na ito ay hindi pa napupuntahan ng anumang probe ng sangkatauhan, at nabuo ang mga lupa at bato rito 1 hanggang 2 bilyong taon ang nakakaraan.
Kumpara sa mga sample na ibinalik ng Amerika at Soviet Union na may 3 hanggang 4 na bilyong taong kasaysayan, kukunin ng Chang'e-5 ang mga sample na mas maaga ang edad.
Makakatulong ang mga sample na ito sa pagpapalalim ng pag-aaral sa pagbuo at ebolusyon ng Buwan.
Bukod dito, inaasahang ibabalik ng Chang'e-5 ang lupang may isang materyal na pambihira sa Mundo, pero malaki ang reserba sa Buwan, at ito ay ang helium-3.
Ang helium-3 ay isang mainam na materyal para sa pagpoprodyus ng koryente sa pamamagitan ng nuclear fusion. Mas malinis at mas ligtas ito kaysa kasalukuyang mga ginagamit na materyal ng mga tao, dahil hindi ito radioactive.
Sa pamamagitan ng pananaliksik sa helium-3 mula sa Buwan, maaaring makita ng sangkatauhan ang solusyon sa pagsuplay ng enerhiya libu-libong taon sa hinaharap.
Maaaring sabihing ang misyon ng Chang'e-5 lunar probe ay para sa pananaliksik ng kalawakan at kinabukasan ng sangkatauhan. Ito ay isang hakbang ng Tsina, at magiging hakbang din ng buong sangkatauhan.
May-akda: Liu Kai