Sa preskon nitong Huwebes, Nobyembre 26, 2020, ipinaalam ni Tagapagsalita Zhao Lijian ng Ministring Panlabas ng Tsina na itataguyod Disyembre 2 nina Premyer Li Keqiang ng Tsina at Punong Ministro Mikhail Mishustin ng Rusya ang ika-25 regular na pagtatagpo ng mga punong ministro ng dalawang bansa, sa pamamagitan ng video conference.
Saad ni Zhao, sapul nang sumiklab ang pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), nagtutulungan at magkakapit-bisig na lumalaban sa pandemiya ang Tsina at Rusya, bagay na nakapagpayaman ng nilalaman ng komprehensibo, estratehiko at kooperatibong partnership ng kapuwa panig sa bagong panahon.
Aniya, nagtagumpay ang kapuwa panig laban sa epekto ng pandemiya, at pinasulong ang matatag na pag-unlad ng kooperasyon sa iba’t ibang larangan.
Dagdag ni Zhao, ang gaganaping pagtatagpo ay mahalagang pagpapalitan ng Tsina at Rusya sa mataas na antas, sa espesyal na panahon ng patuloy na pagkalat ng pandemiya sa buong mundo, at pagsadlak ng kabuhayang pandaigdig sa resesyon, kaya mahalagang mahalaga ang katuturan nito para sa koordinadong pagpapasulong ng kapuwa panig ng pagpigil sa pandemiya at kooperasyon sa iba’t ibang larangan.
Salin: Vera