Sa pamamagitan ng video link, idinaos nitong Miyerkules ng hapon, Disyembre 2, 2020 ang ika-25 regular na pagtatagpo ng mga Punong Ministro ng Tsina at Rusya.
Magkasamang ipinatalastas nina Premyer Li Keqiang ng Tsina at Punong Ministro Mikhail Mishustin ng Rusya ang pagpapatibay ng “Magkasanib na Komunike ng Ika-25 Regular na Pagtatagpo ng mga Punong Ministro ng Tsina at Rusya” at iba pang dokumentong pangkooperasyon ng dalawang panig.
Ipinahayag ni Premyer Li na ang magkasamang pangangalaga ng Tsina at Rusya sa kaayusang pandaigdig, kung saan ang United Nations (UN) ang nukleo, at pangangalaga sa multilateralismo at malayang kalakalan, ay hindi lamang nakakabuti sa kapuwa panig, kundi maging sa buong mundo.
Diin ni Li, nakahanda ang panig Tsino na magsikap kasama ng panig Ruso para mapalawak ang pagbubukas sa isa’t-isa, magkasamang labanan ang pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), at mapasulong ang pagtatamo ng mas maraming bagong bunga sa kooperasyon sa iba’t-ibang larangan.
Ipinahayag naman ni PM Mishustin ang kahandaan ng panig Ruso na magkasamang labanan ang pandemiya, pasulungin ang kooperasyong Ruso-Sino sa iba’t-ibang larangan, at palalimin ang pagpapalitang pangkultura at kooperasyong lokal para walang humpay na mapasulong ang relasyon ng dalawang bansa.
Salin: Lito
Pulido: Rhio