Niyebe Mayor, pangarap na White Christmas ng mga Pilipino

2020-12-07 17:14:50  CMG
Share with:

Niyebe Mayor, pangarap na White Christmas ng mga Pilipino

 

Pumasok na ang buwan ng Disyembre, at ilang araw na lang ay sasapit na ang araw ng Pasko.

 

Kasabay nito, ramdaman na natin ang malamig na simoy ng hangin, na animo’y nagdadala ng saya at nagpapalaganap ng diwa ng kapanganakan ng Dakilang Lumikha.

 

Ayon nga sa awit na “Himig ng Pasko,”

 

Malamig ang simoy ng hangin;

 

Kay saya ng bawat damdamin;

 

Ang tibok ng puso sa dibdib;

 

Para bang hulog na ng langit.

 

At siyempre, hindi mawawaglit sa isipan ng bawat Pilipino ang niyebe o snow.

 

Hindi man maaaring umulan ng niyebe sa Pilipinas dahil sa heograpikal na lokasyon nito, ang nagniniyebeng Pasko o White Christmas ay tunay nang bahagi ng kaisipan nating mga Pilipino.

 

Kaya naman para maiparamdam po sa inyong lahat ang sayang dulot ng pag-ulan ng niyebe sa panahon ng Kapaskuhan, inihahandog ko ang isang artikulo hinggil sa panahong kung tawagin sa Tsina ay Niyebe Mayor o Da Xue.

 

Niyebe Mayor, ano ba ito?

 

Ang Niyebe Mayor, o Da Xue sa wikang Tsino ay ang ika-21 sa 24 na solar term ng Tradisyunal na Kalendaryong Tsino.

 

Ito ang simula ng kalagitnaan ng taglamig, na nag-uumpisa ngayong araw,  Disyembre 7 at magtatapos sa Disyembre 20, sa taong ito .

 

Tulad ng ipinahihiwatig ng pangalan nito, ang Niyebe Mayor ay panahon kung kalian mayroong mas mataas na posibilidad ng pag-ulan ng malakas na niyebe kumpara sa Niyebe Minor o Xiao Xue.

 

Bukod pa riyan, ibayo pang bababa ang temperatura, at higit pang iikli ang araw at hahaba ang gabi.

 

Sa maikling video na kuha nitong nagdaang Niyebe Menor, natutunaw ang niyebe bago o pagbagsak ng mga ito  sa kalsada.

 

 

Pero, sa panahon ng Da Xue, makikita sa karamihan ng lugar sa Tsina, lalo na sa dakong hilaga ng bansa ang pagkapal ng niyebe sa mga kalsada, parke, kabayahan, bubong ng mga sasakyan, at siyempre, mga batang naglalaro at gumagawa ng mga snowmen.

 

Bukod pa riyan, masisilayan sa mga dahon at sanga ng mga puno ng Pino o Christmas Tree ang maputi at nangingintab na niyebeng, saktung-sakto para sa pagkuha ng perpektong litrato.

 

Sa madaling salita, ang Niyebe Mayor ay ang White Christmas na pinapangarap maranasan ng karamihan sa ating mga Pilipino.

 

Kaugnay nito, maraming makatang Tsino ang kumatha ng mga tula tungkol sa pagbagsak ng niyebe tuwing Niyebe Mayor, at ang pinakakilala ay ang isinulat ni Cen Shen mula sa Dinastiyang Tang (618 AD-907 AD).

 

Ayon dito:

 

Simbilis ng pagdating ng hangin ng tagsibol, libu-libong puno ng Peras ang namulaklak sa isang gabi.”

 

Ipinahihiwatig ng tula ang kaakit-akit na tanawin tuwing umuulan ng niyebe, na tila ba ay sabay-sabay na pamumulaklak ng libu-libong puno ng Peras sa loob lamang ng isang gabi.

 

Mga kagawian at pagkain tuwing Niyebe Mayor

 

  • Padulas sa niyebe

 

Ayon sa kasabihang Tsino, "ang mahinang pagniniyebe  o Niyebe Minor ay tumatakip sa lupa, ang malakas na pagniniyebe o Niyebe Mayor ay tumatakip sa ilog.” 

 

Tuwing panahon ng Niyebe Mayor, maraming ilog, lalo na sa hilagang-silangan at hilagang-kanlurang Tsina ang nagyeyelo, kaya naman, isang karaniwang tanawin sa panahong ito ang mga magkakapamilya at magkakaibigang nagpapadulas sa niyebe o nag-a-ice skating.

 

Maraming mamamayan ang sama-samang lumalabas, naglalaro at nagpapakasaya sa ibabaw ng nagyeyelong ilog.

 

Samantala, dito sa Beijing, nagsisimula na ring magyelo ang mga lawa at ilog.

 

Narito at panoorin ninyo ang tagpo sa nagyelong lawa sa loob ng Beijing International Sculpture Park.

 

 

  • Pagkain ng ugat ng Lotus

 

Tuwing Niyebe Mayor, isa sa mga gulay na madalas kainin ng mga Tsino ay ang ugat ng Lotus.

 

Ayon sa Tradisyunal na Medisinang Tsino (TCM), nakakatulong ito sa pag-aalis ng init sa dibdib at mainam ito sa pag-iwas sa tuyong init na nakakasama sa katawan ng tao tuwing taglamig.   

 

Niyebe Mayor, pangarap na White Christmas ng mga Pilipino

 

Ang ugat ng Lotus ay nagpapalusog din sa mga kalamnan sa tiyan at nagpapalakas ng bato.

 

  • Pagpipindang

 

Sa lunsod ng Nanjing, lalawigang Jiangsu, gawing silangan ng Tsina, naniniwala ang mga nakakatanda na ang panahon ng Niyebe Menor o Xiao Xue ay mainam na panahon upang mag-atsara ng gulay, samantalang ang Niyebe Mayor o Da Xue ay magandang pagkakataon  upang magpindang ng karne.

 

Niyebe Mayor, pangarap na White Christmas ng mga Pilipino

 

Kaya naman, pagpasok ng panahon ng Niyebe Mayor, makikita sa maraming lugar ng lunsod ang mga pinindang na karne, longganisa at ham, daing na isda, tinapa at tuyo, at marami pang iba.  

 

  • Pagkain ng karne ng Tupa

 

Ang Lamb o karne ng Tupa ay isa sa mga paboritong pagkain ng mga Tsino sa panahon ng Niyebe Mayor, dahil ito ay nagpapanumbalik ng lakas ng kalamnan, nagpapaganda ng daloy ng dugo, at nagbibigay-proteksyon laban sa sipon at lagnat.

 

Ang beef o karne ng Baka ay isa ring mainam na pagpili para painitin at palakasin ang pangangatawan.

 

  • Paghigop ng lugaw

 

Ayon sa TCM, ang paghigop ng mainit na lugaw sa taglamig ay nakakapagpaganda ng pakiramdam at nakakapagpasigla ng katawan.

 

Kaya naman, isang kagawian sa Tsina ang paghigop ng lugaw na pulang munggo sa unang araw ng Niyebe Mayor, at lugaw na walong kayamanan o eight-treasure porridge sa ikawalong araw ng huling buwan ng Tradisyunal na Kalendaryong Tsino.

 

Niyebe Mayor, pangarap na White Christmas ng mga Pilipino

 

Dagdag pa sa dalawang ito, inihahain din sa panahon ng Niyebe Mayor ang mga lugaw na tulad ng lugaw na trigo, lugaw na linga, lugaw na labanos, lugaw na walnut, at marami pang iba.

 

Niyebe Mayor, pangarap na White Christmas ng mga Pilipino

Niyebe Mayor, pangarap na White Christmas ng mga Pilipino

 

  • Pagmamasid sa mga Plum Blossom

 

Ang bulaklak na Mei o Plum Blossom ay katutubong bulaklak ng Tsina, at ito ay hinahangaan dahil sa abilidad nitong mapagtagumpayan ang mabangis na taglamig.

 

Niyebe Mayor, pangarap na White Christmas ng mga Pilipino

 

Ang mga Plum Blossom ay karaniwang nagsisimulang mamukadkad sa Disyembre, kaya naman isang kawili-wiling panahon ang Niyebe Mayor upang pagmasdan at hangaan ang rilag at tatag ng bulaklak na ito.

 

Ayon sa matandang tradisyong Tsino, ang bulaklak ng Plum Blossom, kasama ng puno ng Pino at Kawayan ang mga ikinukonsiderang Tatlong Kaibigan sa Taglamig.

 

Artikulo: Rhio Zablan

Cameraman/Video edit: Lito

Script/web-edit: Jade

Larawan: VCG/Jade

Source: Sarah/Jade 

Please select the login method