Sa pag-uusap sa telepuno nitong Lunes ng gabi, Disyembre 28, 2020 nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Vladimir Putin ng Rusya, ipinadala nila ang pagbating pambagong taon sa isa’t-isa, at maging sa mga mamamayang Tsino at Ruso.
Tinukoy ni Xi na ang kasalukuyang taon ay isang napaka-di-pangkaraniwang taon, hindi lamang sa Tsina at Rusya, kundi sa buong daigdig. Aniya, sa harap ng pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), nagtutulungan ang Tsina at Rusya para magkasamang harapin ang mga kahirapan. Bukod dito, patuloy at matatag na nagkakatigan ang dalawang bansa sa mga isyung may kinalaman sa nukleong kapakanan ng isa’t-isa, bagay na nagpapakita ng kanilang pagtitiwalaan at pagkakaibigan sa mataas na lebel, ani Xi.
Ipinagdiinan din ni Xi na ang susunod na taon ay ika-20 anibersaryo ng pagkakalagda ng Sino-Russian Good-Neighborly Treaty of Friendship and Cooperation. Dapat aniyang samantalahin ng dalawang panig ang pagkakataong ito para mapasulong ang kooperasyong Sino-Ruso sa mas malaking saklaw, mas maraming larangan, at mas mataas na lebel.
Nakahanda ang panig Tsino na patuloy at matatag na pasulungin ang komprehensibo’t estratehikong partnership sa bagong siglo upang makapagbigay ng mas malaking ambag para sa pagtatatag ng bagong pandaigdigang relasyon at komunidad ng pinagbabahaginang kapakalaran ng sangkatauhan.
Ipinahayag naman ni Putin na sa kabila ng epekto ng COVID-19 sa kasalukuyang taon, matatag pa ring umuunlad ang relasyong Ruso-Sino, at patuloy na isinusulong ang kooperasyong Ruso-Sino sa mga larangang gaya ng pakikibaka laban sa pandemiya, kabuhayan at kalakalan, enerhiya, at siyensiya’t teknolohiya.
Patuloy at buong tatag na magsisikap ang Rusya para mapasulong pa ang komprehensibo’t estratehikong partnership ng dalawang bansa sa mas mataas na lebel.
Salin: Lito
Pulido: Mac