Sa pamamagitan ng video link, pinakinggan nitong Miyerkules, Enero 27, 2021 ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang work report ni Ho Iat Seng, Punong Ehekutibo ng Espesyal na Rehiyong Administratibo ng Macao (Macao SAR) noong 2020.
Hinggil dito, lubos na pagpapahalaga ang ibinigay ni Xi sa gawain ni Ho at pamahalaan ng Macao SAR sa pagpigil at pagkontrol sa pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), pagpapanumbalik ng kabuhayan, pagresolba sa kahirapan ng mga mamamayan, at pagpapasulong sa harmonya ng lipunan ng Macao.
Saad niya, patuloy at puspusang kakatigan ng pamahalaang sentral ang gawain ng pagkontrol sa pandemiya at pag-unlad ng kabuhaya’t lipunan ng Macao, susuportahan ang pagkokompleto ng sistemang pambatas at pagpapatupad ng batas sa pangangalaga sa pambansang seguridad ng Macao, tutulungan ang Macao upang mas mainam itong makasali sa pangkalahatang planong pangkaunlaran ng bansa, at walang humpay na pasusulungin ang matagumpay na praktika ng “Isang Bansa, Dalawang Sistema” na may katangian ng Macao.
Inihayag naman ni Ho ang kahandaang ipapatupad ang responsibilidad na konstitusyonal sa pangangalaga sa soberanya, seguridad at kapakanang pangkaunlaran ng bansa, at lilikhain ang bagong kayarian ng praktika ng “Isang Bansa, Dalawang Sistema” na may katangian ng Macao.
Salin: Vera