Kinumpirma Marso 22, 2021, ni Usec. Maria Rosario Clarissa Singh-Vergeire ng Kagawaran ng Kalusugan ng Pilipinas, na natuklasan sa lahat ng mga lunsod at munisipalidad ng Metro Manila ang mga kasong nahawahan ng mga variant ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19).
Kamakailan mabilis na kumakalat ang COVID-19 sa Pilipinas. Ayon sa pinakahuling datos ng Kagawaran ng Kalusugan, noong Marso 22, umabot sa 8,019 ang bilang ng mga bagong kumpirmadong kaso, na naging pinakamataas na rekord simula nang kumalat ang pandemiya sa Pilipinas.
Bukod dito, nadiskubre rin ang maraming uri ng variants ng virus sa Pilipinas, na nagpalala sa kalagayan ng pandemiya sa bansa.
Ayon sa kapasiyahan ng pamahalaan ng Pilipinas, ipapatupad mula Marso 22 ang dalawang linggong lockdown sa Metro Manila, Laguna, Cavite, Bulacan at Rizal.
Ani Vergeire, hinihingi ng kaniyang tanggapan ang tulong ng World Health Organization, para kumpirmahin kung naganap na sa Pilipinas ang community transmission ng COVID-19 variants.
Salin:Sarah
Pulido:Mac