Kaugnay ng dudang iniharap ng panig Amerikano hinggil sa magkasanib na pananaliksik ng Tsina at World Health Organization (WHO) sa pinagmulan ng coronavirus, sinabi nitong Lunes, Marso 29, 2021 ni Tagapagsalita Zhao Lijian ng Ministring Panlabas ng Tsina na hinding hindi tatanggapin ng panig Tsino ang walang batayang pagbatikos at pagdungis ng panig Amerikano sa isyu ng pandemiya ng COVID-19.
Tinukoy ni Zhao na sa panahon ng nasabing magkasanib na pananaliksik, bumisita ang mga dalubhasa ng WHO at Tsina sa 9 na departamentong kinabibilangan ng Wuhan Institute of Virology, at kinapanayam ang mga doktor, nars, mananaliksik, gumaling na pasyente, kamag-anakan ng mga nasawing doktor at nars, at karaniwang mamamayan. Ang nasabing mga pagbisita at panayam ay ginawa, sa ilalim ng kahilingan ng mga miyembro ng misyon ng WHO. Bukod dito, inilahad ng panig Tsino ang lahat ng mga orihinal na datos na kailangang pag-ukulan ng espesyal na pansin.
Dagdag ni Zhao, binigyan ng misyon ng WHO ng positibong pagtasa ang nasabing magkasanib na pananaliksik, at inihayag ng mga dalubhasang dayuhan na lumampas ng higit sa kanilang ekspektasyon ang pagbubukas ng panig Tsino.
Aniya, ang pagbuburador ng ulat ng paghahanap sa pinang-galingan ng virus ay laging isinasagawa sa pagitan ng mga dalubhasang Tsino’t dayuhan, at binubuo ang konklusyon batay sa paulit-ulit na pananaliksik at siyentipikong paraan.
Tanong ni Zhao, kailan naman aanyayahan ng panig Amerikano ang mga dalubhasa ng WHO para sa pananaliksik sa pinag-ugatan ng virus? Kailan bubuksan ang Fort Detrick para sa pagbisita o pananaliksik ng mga dalubhasang pandaigdig?
Salin: Vera
Pulido: Mac