Sa World Economic Outlook na inilabas Abril 6, 2021, tinaya ng International Monetary Fund (IMF) na magkahiwalay na lalago ng 6% at 4.4% ang kabuhayang pandaigdig sa taong 2021 at 2022.
Ayon pa rito, 8.4% at 5.6% naman ang magiging paglaki ng kabuhayang Tsino sa taong 2021 at 2022, ayon sa pagkakasunod.
Dagdag ng naturang ulat, mabilis at mabisa ang mga hakbangin ng Tsina sa pagharap sa pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), kaya mas mabilis ang pagbangon ng bansa mula sa krisis kumpara sa ibang bansa.
Kaugnay nito, ipinahayag Abril 7, 2021, ni Zhao Lijian,Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina na ang mas malakas na pagbangon ng kabuhayang pandaigdig ay dahil sa epektibong kooperasyon ng lahat laban sa COVID-19.
Lubos aniya nitong ipinakikita na kailangan at nararapat ang pagkakaisa ng komunidad ng daigdig sa pagharap sa krisis.
Sinabi rin niyang patuloy na magsisikap ang Tsina, kasama ng buong mundo, para itatag ang bukas na kabuhayang pandaigdig; pasulungin ang pagpapanumbalik ng kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan sa lalong madaling panahon; at mas mabuting pangangalagaan ang katatagan ng industrial at supply chain, upang makapag-ambag sa katatagan ng kabuhayang pandaigdig.
Salin:Sarah
Pulido:Rhio