Sa kanyang pakikipag-usap sa telepono nitong Mayo 24, 2021 kay Pangulong Hassan Rouhani ng Iran, tinukoy ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, na buong tatag na nagtutulungan ang Tsina at Iran sa mga isyung may kinalaman sa nukleong kapakanan at malaking pagkabahala ng kapwa panig, bagay na nakakapagpatibay sa estratehikong pagtitiwalaan ng dalawang bansa at nagtatanggol sa pagkakapantay-pantay at katarungang pandaigdig.
Ipinagdiinan ni Xi na ang kasalukuyang taon ay ika-50 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng Tsina at Iran. Nakahanda aniya ang panig Tsino na samantalahin kasama ng Iran, ang pagkakataong ito para mapalakas ang kooperasyong Sino-Iranyo sa iba’t-ibang larangan, at mapasulong pa ang komprehensibo’t estratehikong partnership ng dalawang panig.
Ani Xi, buong tatag na kinakatigan ng panig Tsino ang Iran sa pangangalaga sa soberanya ng bansa at dignidad ng nasyon. Nakahanda ang panig Tsino na patuloy na magkaloob hangga’t makakaya ng tulong sa Iran sa pakikibaka laban sa pandemiya ng COVID-19 para tulungan ang mga mamamayang Iranyo sa pagtatagumpay ng pandemiya sa lalong madaling panahon, dagdag pa niya.
Ipinahayag naman ni Rouhani ang pasasalamat sa ibinibigay na tulong at suporta ng Tsina sa Iran sa paglaban sa pandemiya.
Sinabi niya na buong tatag na iginigiit ng Iran ang patakarang Isang Tsina, at buong tatag na sinusuportahan ang panig Tsino sa pangangalaga sa soberanya ng bansa at kabuuan ng teritoryo.
Nakahanda ang panig Iranyo na magsikap kasama ng panig Tsino para mapalakas ang kanilang estratehikong kooperasyon, mapalawak ang kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan sa mga larangang gaya ng kabuhayan at kalakalan, at enerhiya, at mapasulong ang magkakasamang konstruksyon ng “Belt and Road,” ani Rouhani.
Salin: Lito
Pulido: Mac