Walang pasabi at biglang umurong kamakailan ng tropang Amerikano mula sa Bagram Airfield, na nagdulot ng problema para sa pamahalaan ng Afghanistan na pangasiwaan ang naturang base at nauwi sa pagkawala ng mahalagang mga bagay.
Kaugnay nito, ipinahayag Hulyo 9, 2021, ni Wang Wenbin, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ang naturang pag-urong ng tropang Amerikano ay higit pang nagpapakita ng kanilang pagkukunwari.
Sinabi pa ni Wang na iginigiit ng Amerika ang ideya ng kalayaan at demokratikong sistema sa iba’t ibang lugar sa buong daigdig at sinusuportahan ang pagpapabagsak ng mga pamahalaan. Nagdulot ito ng maraming kaguluhan, alitan, terorismo, pagdami ng mga refugees at iba pang mga masamang epekto na nagpapatuloy hanggang ngayon.
Binigyan-diin ni Wang na, bilang mapagkaibigang kapitbansa ng Afghanistan, sinusuportahan ng Tsina ang mga mamamayan ng Afghanistan na pangalagaan ang soberanya, pagsasarili at kabuuan ng teritoryo ng bansa.
Nakahanda aniya ang Tsina na magsikap, kasama ng komunidad ng daigdig at mga bansa sa rehiyong ito, para patuloy na pasulungin ang prosesong pangkapayapaan ng Afghanistan, at tulungan ang Afghanistan na isakatuparan ang kapayapaan at katatagan sa lalo madaling panahon.
Salin:Sarah
Pulido:Mac