Ministrong Panlabas ng Tsina, dadalaw sa Gitnang Asya at dadalo sa pulong ng SCO hinggil sa Afghanistan

2021-07-09 19:15:18  CMG
Share with:

Ministrong Panlabas ng Tsina, dadalaw sa Sentral na Asya at dadalo sa pulong ng SCO_fororder_wangyi

 

Nakatakdang dumalaw sa tatlong bansa ng Gitnang Asya at dumalo sa pulong ng Shanghai Cooperation Organization (SCO) hinggil sa isyu ng Afghanistan si Wang Yi, Ministrong Panlabas ng Tsina mula Hulyo 12 hanggang Hulyo 16, 2021.

 

Ito ang ipinahayag ni Wang Wenbin, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina sa regular na preskon nitong Biyernes, Hulyo 10.

 

Sa paanyaya ng kanyang mga counterpart ng Turkmenistan, Tajikistan at Uzbekistan, dadalaw sa naturang tatlong bansa si Wang, na nagsisilbi rin bilang Kasangguni ng Estado ng Tsina. Naka-iskedyul siyang makipag-usap sa mga lider at opisyal ng nasabing mga bansang Asyano para mapasulong ang bilateral na pagpapalitan at pagtutulungan, sa sinerhiya ng Belt and Road Initiative (BRI) at mga pambansang patakaran at estratehiya ng tatlong bansa ng Sentral Asya.

 

Lalahok din si Wang sa pulong ng mga ministrong panlabas ng SCO-Afghanistan Contact Group, para talakayin ang hinggil sa pagpapasulong ng proseso ng kapayapaan at rekonsilyasyon ng Afghanistan at pagpapalalim ng kooperasyon sa pagitan ng SCO at Afghanistan.

 

Sa preskon, pinuna ng tagapagsalitang Tsino ang di-responsable at madaliang pag-urong ng tropang Amerikano mula sa Afghanistan na nagdulot ng pagtaas ng banta sa seguridad at kawalan ng katatagan   sa Afghanistan at mga kapitbansa.

 

Ang SCO na itinatag noong 2001 ay binubo ng Tsina, Rusya, India, Pakistan, Kazakhstan, Kyrgyzstan, Uzbekistan at Tajikistan. May apat na bansang tagamasid ang SCO na kinabibilangan ng Afghanistan, Mongolia, Belarus at Iran, at anim na dialogue partners. Anim sa mga kapitbansa ng Afghanistan ay miyembro ng SCO.

 

Salin: Jade

Pulido: Mac 

Please select the login method