Dahil sa pagbagsak ng malakas na ulan at pagtaas ng tubig sa mga lugar na gaya ng lunsod Zhengzhou, punong lunsod ng lalawigang Henan, gawing hilaga ng Tsina, na nagbunsod ng malaking human casualty at kapinsalaan sa ari-arian, ini-atas ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang seryosohang paglaban sa baha at mabilis na pagsaklolo sa mga apektado.
Ipinagdiinan ng pangulong Tsino na ngayo’y pumasok na sa masusing panahon ang kampanya ng pagpigil sa baha, at kailangang palagiang ipriyoridad ng mga kadre sa iba’t-ibang antas ang paggarantiya sa kaligtasan ng buhay at ari-arian ng mga mamamayan.
Diin niya, ito ay para mabawasan, hangga’t makakaya ang human casualty at kapinsalaan sa ari-arian.
Hiniling pa niyang kasabay ng pagpigil sa baha at pagpapabuti ng gawaing panaklolo, dapat agarang panumbalikin ng mga kaukulang departamento ng iba’t-ibang lugar ang kaayusan ng produksyon at pamumuhay.
Importante rin aniyang pabutihin ang pagtulong sa mga apektadong mamamayan at pagpigil sa epidemiya pagkatapos ng baha.
Salin: Lito
Pulido: Rhio