Sa kanyang pakikipag-usap sa telepono Agosto 16, 2021, kay Sergei Lavrov, Ministrong Panlabas ng Rusya, ipinahayag ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, na ang Agosto 15 ay anibersaryo ng pagsuko ng Hapon noong Ikalawang Pandaigdigang Digmaan. Ito rin aniya ang araw upang lubos na pagnilaynilayan ng Hapon ang kasaysayan ng pananalakay.
Pero, sa araw na ito, bumisita ang ilang politikong Hapones sa Yasukuni Shrine kung saan nakadambana ang 14 na Class-A war criminals ng nabanggit na digmaan.
Ani Wang, ang aksyon ng Hapon ay nakapipinsala sa moralidad ng sangkatauhan at katarungang internasyonal.
Sinabi pa ni Wang, bilang mga bansang nagtamo ng tagumpay noong panahon ng digmaan, dapat magkahawak-kamay ang Tsina at Rusya, para magkasamang pangalagaan ang katotohanan ng kasaysayan at dignidad ng buong sangkatauhan, tutulan ang anumang hakbang na magbabago sa kasaysayan o isulong ang militarismo.
Dapat magkasamang pangalagaan din ng Tsina at Rusya ang bunga ng World War II, at ang katarungan ng buong daigdig, dagdag ni Wang.
Samantala, sinabi ni Lavrov na bilang pangunahing battlefield ng laban kontra pasismo at militarismo noong panahon ng digmaan, nagbigay ang Tsina at Rusya ng mahalagang mga ambag upang talunin ang mga sumalakay.
Ipinahayag niyang dapat patuloy na palakasin ng dalawang panig ang koordinasyon, magkasamang isagawa ang mga aktibidad nang paggunita at tutulan ang anumang tangka na dungisan ang kasaysayan.
Salin:Sarah
Pulio:Mac