Sa kanyang pakikipag-usap sa telepono Agosto 30, 2021, kay Miguel Diaz-Canel, Pangulo ng Cuba, tinukoy ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina na sa pamumuno ng Partido Komunista ng Cuba, napangalagaan ng bansa ang bunga ng rebolusyon.
Patuloy aniya ang suporta ng Tsina sa pagtahak ng Cuba sa landas ng angkop na pag-unlad sa sariling bansa.
Aniya pa, patuloy na tutulungan ng Tsina ang Cuba sa paglaban sa Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), pagpapabuti ng pamumuhay ng mga mamamayan at iba pang larangan.
Binigyan-diin ni Xi na handang pahigpitin ng Tsina ang pakikipagpalitan sa Cuba sa mataas na antas, para palakasin ang mas malaking pag-unlad ng dalawang panig.
Ipagpapatuloy ang mahigpit na kooperasyon ng dalawang bansa sa mga pandaigdigang situwasyon para mapangalagaan ang kapakanan ng mga umuunlad na bansa, ani Xi.
Samantala, pinasalamatan naman ni Miguel Diaz-Canel ang suporta ng Tsina sa Cuba.
Nakahanda aniya ang Cuba na palakasin ang pakikipagpalitan sa Tsina at aktuwal na kooperasyon sa iba’t ibang larangan, para magkasamang maisulong ang pag-unlad ng sosyalismong usapin at relasyon ng Tsina at Cuba.
Aniya, buong tatag na nananangan ang Cuba sa patakarang “Isang Tsina” at sinusuportahan ng Cuba ang paninindigan ng Tsina sa mga isyung kaugnay ng Taiwan at Xinjiang.
Salin:Sarah
Pulido:Rhio