Sa pamamagitan ng video link, nakipagtagppo nitong Huwebes, Setyembre 2, 2021 si Yang Jiechi, Direktor ng Tanggapan ng Komisyon ng mga Suliraning Panlabas ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC), kay John Kerry, dumadalaw na Special Presidential Envoy for Climate ng Amerika.
Saad ni Yang, sa loob ng ilang nakalipas na panahon, dahil sa isang serye ng mga malaking aksyon ng panig Amerikano sa pakikialam sa mga suliraning panloob ng Tsina, at pagkapinsala sa kapakanan ng panig Tsino, kinakaharap ng relasyong Sino-Amerikano ang malubhang kahirapan.
Aniya, buong tatag na tinututulan at tinutugunan ng panig Tsino ang naturang mga maling aksyon.
Umaasa aniya siyang totoong iwawasto ng panig Amerikano ang mga maling kilos, igagalang ang sistemang pulitikal at landas na pangkaunlaran ng Tsina, at pasusulungin, kasama ng panig Tsino, ang pagbalik ng bilateral na relasyon sa tumpak na landas, batay sa komong kapakanan ng dalawang bansa at sariling pangmalayuang kapakanan ng Amerika.
Saad ni Yang, bukas ang Tsina sa pakikipag-ugnayan, pakikipagdiyalogo, at pragmatikong pakikipagtulungan sa panig Amerikano.
Maaaring palakasin ng kapuwa panig ang pag-uugnayan, koordinasyon at kooperasyon sa mga bilateral na larangang gaya ng pagbabago ng klima, pagpigil at pagkontrol sa pandemiya, pagbangon ng kabuhayan, at mahahalagahang isyung panrehiyon at pandaigdig, dagdag niya.
Diin ni Yang, dapat ang kooperasyon ay maging two-way at may mutuwal na kapakinabangan.
Inihayag naman ni Kerry na napakahalaga ng relasyong Sino-Amerikano para sa dalawang bansa at buong mundo. Nakahanda ang Amerika na palakasin ang diyalogo at kooperasyon sa Tsina, sa pamamagitan ng may paggagalangang paraan, magkasamang harapin ang pagbabago ng klima, at patingkarin ang lakas-panulak para sa pagpapabuti at pagpapaunlad ng relasyon ng dalawang bansa.
Salin: Vera
Pulido: Mac