Nakahanda ang Tsina na ibayo pang palawakin ang pamamaraan para maakit ang mas maraming talentong dayuhan. Kasabay nito, ibayo pang pasusulungin ng bansa ang pandaigdig na pagpapalitan at pagtutulungan sa talento at teknolohiya para katigan ang mga siyentista ng iba’t-ibang bansa sa magkakasamang pananaliksik katugon sa komong hamon ng sangkatauhan.
Ito ang winika ni Premyer Li Keqiang ng Tsina sa kanyang pakikipagtagpo sa mga dalubhasang dayuhang ginawaran ng Friendship Award para sa taong 2020 at 2021, Huwebes, Setyembre 30, 2021.
Dagdag pa ni Li, upang papasukin ang mga banyagang talento, pabubutihin pa ng Tsina ang mga sistema ng work permit at bisa, at maglalatag ng mas maginhawang kondisyon para sa kanilang pagtatrabaho at pamumuhay sa bansa.
Inulit din ng premyer Tsino ang pangako ng Tsina na walang-patid na palalakasin ang reporma’t pagbubukas sa labas para patuloy na pasulungin ang kapaligiran para sa inobasyon at pagsisimula ng negosyo.
Kabilang sa naturang mga awardee ay sina Konstantin Shchepin at Yves Mouillet na mula sa China Media Group Russian at French services ayon sa pagkakasunod.
Si Konstantin Shchepin (file photo)
Si Yves Mouillet (file photo)
Pagkaraan ng pagtatagpo, sumali rin ang mga awardee sa resepsyon na inihandog ng Konseho ng Estado, gabinete ng Tsina, bilang pagdiriwang sa ika-72 anibersaryo ng pagkakatatag ng Republika ng Bayan ng Tsina.
Salin: Jade
Pulido: Rhio
Larawan: XH/CMG