Ayon sa ulat, isinapubliko kamakailan ng World Health Organization (WHO) ang pagbuo ng bagong grupo ng mga siyentista na magsasagawa ng pananaliksik sa pinagmulan ng coronavirus at ibang pandemiya na posibleng maganap sa hinaharap.
Kaugnay nito, ipinahayag Oktubre 14, 2021, ni Zhao Lijian, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na si Yang Yungui, Dalubhasa sa Chinese Academy of Science ay kasama sa naturang grupo ng WHO.
Tinukoy ni Zhao na palagiang naninindigan ang Tsina na ang pananaliksik sa pinagmulan ng coronavirus ay usaping pansiyensiya. Patuloy na susuportahan at sasalihan ng Tsina ang pansiyensiyang pananaliksik sa pinagmulan ng coronavirus ng buong daigdig, at buong tatatag na tutulan ang manipulasyong pulitikal sa isyung ito sa anumang porma.
Umaasa ang Tsina na mananangan ang iba’t ibang kinauukulang panig sa responsible at obdyektibong pakikitungo. Ibibigay ang ambag para sa pandaigdigang kooperasyon sa pananaliksik ng pinagmulan ng coronavirus at kooperasyong laban sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Salin:Sarah
Pulido:Mac