Sa kanyang pagbisita sa Qatar, nakipag-tagpo kahapon, Oktubre 25, 2021, sa Doha, si Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, kay Mulaah Abdul Ghani Baradar, Acting Deputy Prime Minister ng Afghan Taliban.
Sa pagtatagpo, ipinahayag ni Wang na sa kasalukuyan, ang Afghanistan ay nasa masusing panahon. Umaasa ang Tsina na itatatag ng Afghan Taliban ang modernong bansa na angkop sa mithiin ng mga mamamayan at tunguhin ng panahon.
Ani Wang, ginagalang ng Tsina ang soberaniya, pagsasarili at kabuuan ng teritoryo ng Afghanistan, at sinusuportahan ang mga mamamayan ng Afghanistan na magpasya ng kapalaran ng bansa at piliin ang landas ng pag-unlad.
Sinabi din ni Wang na pinahahalagahan ng Tsina ang mga hamon sa loob ng Afghanistan, at hinimok ang mga bansang kanluranin na kanselahin ang sangsyon. Nakahanda ang Tsina na ipagkaloob, hangga’t makakaya, ang makataong tulong sa Afghanistan.
Binigyan-diin ni Wang na ang East Turkestan Islamic Movement (ETIM) ay terrorist organization, at nananalig ang Tsina na matatag na kontrahin ng Afghan Taliban ang ETIM.
Samantala, ipinahayag ni Baradar na mabuti ang pangkalahatang kalagayan ng Afghanistan, at umaasang lalo pang daragdagan ng Tsina at komunidad ng daigdig ang tulong sa Afghanistan, para tulungan ang Afghanistan na tumahak sa tumpak na landas ng pag-unlad.
Binigyan-diin ni Baradar na ang Tsina ay mahalagang kapitbansa ng Afghanistan. Buong tatag na nananangan ang Afghanistan sa mabuting patakaran sa Tsina, at umaasa itong lalo pang palalakasin ang pakikipagkooperasyon sa Tsina sa iba’t ibang larangan.
Bukod dito, sa panahon ng pananatili sa Doha, makikipagtagpo si Wang Yi kay Amir Khan Muttaqi, Acting Foreign Minister ng Afghan Taliban.
Salin:Sarah
Pulido:Mac