Ipininid Martes ng gabi, Oktubre 28, 2021 ang taunang Beijing Xiangshan Forum Webinar na may temang“Manangan sa Win-win na Kooperasyon at Pasulungin ang Pandaigdig na Pangangasiwang Panseguridad.”
Sa dalawang araw na porum, tinalakay ng mahigit 50 daluhasa mula sa 20 bansa ang hinggil sa relasyon ng mga pangunahing bansa at kaligtasan ng Asya-Pasipiko, at multilateralismo at pandaigdig na sistema.
Sa ilalim ng nagkakaisang tinig, ipinahayag nila ang pananangan sa multilateralismo, pagtutulungan at win-win na situwasyon, at sama-samang pangangalaga sa kapayapan at katatagan ng daigdig.
Inilahad din ng mga dalubhasa ang pagkabahala sa pagsusulong ng unilateralismo ng ilang opisyal na Amerikano sa pamamagitan ng mapagbalat-kayong multilateralismo at mentalidad na alinsunod sa Cold War, bagay na siguradong makakapinsala sa kapayapaan sa Asya-Pasipiko.
Halimbawa, ang kasunduang militar ng Estados Unidos, Britanya at Australia (AUKUS) at kanilang kooperasyon kaugnay sa submarinong nuklear ay nagdudulot ng panganib ng pagkalat ng mga sandatang nuklear.
Kaugnay nito, iminungkahi ni Stapleton Roy, dating embahador ng Amerika sa Tsina na kailangang isagawa ng panig Amerikano ang mas inklusibong patakaran sa rehiyong Indo-Pasipiko, at pasulungin, kasama ang Tsina at iba pang mga bansa ang kapayapaan at kasaganaan ng rehiyon.
Nakatawag din ng pansin ng mga kalahok na eksperto ang pagbangga ng submarinong nuklear na USS Connecticut sa di-matukoy na bagay sa South China Sea.
Anila, pagkaraan ng insidente, hanggang ngayon, hindi pa rin nililinaw ng panig Amerikano kung ano ang tunay na nangyari. Kaya naman, ito ay nagdulot ng matinding pagdududa mula sa komunidad ng daigdig.
Bilang tugon sa bantang dulot ng panig Amerikano, ipinagdiinan ng mga dalubhasa na kailangang manangan ang lahat sa pagtutulungan at win-win na resulta para mapasulong ang pandaigdig na pangangasiwang panseguridad.
Higit pa riyan, iminungkahi rin nilang itatag ng mga bansa sa rehiyon ang mekanismo ng magkakasamang pangangasiwa sa mga krisis, kasabay ng mas pinatinding pagtutulungan upang mapanumbalik ang pagtitiwalaan sa mga isyung komong kinakaharap na gaya ng pagbabago ng klima, pagkalat ng mga sandatang nuklear, at terorismo.
Kaugnay ng relasyong Sino-Amerikano, ipinalalagay ng mga dalubhasa, na ito ay hindi lamang bilateral na relasyon, dahil ang kaayusang pandaigdig ay nangangailangan ng mainam na ugnayan ng Tsina’t Amerika.
Ang Beijing Xiangshan Forum, na itinatag noong 2006 ay platapormang panseguridad at pandepensa sa mataas na lebel para sa pagpapalitang pandaigdig.
Salin: Jade
Pulido: Rhio