Umabot sa US$ 597.34 milyon ang onsite export sales ng Pilipinas sa nakaraang Ika-4 na China International Import Expo (CIIE) na ginanap sa Shanghai nitong Nobyembre 5-10, 2021.
Tumaas ng 29.3% ang onsite export sales ng bansa kumpara noong nakaraang expo na nagkahalaga ng US$ 462 milyon.
Ayon sa datos na ibinahagi ng Philippine Trade and Investment Center-Shanghai (PTIC-Shanghai), ang mga export signings at commitments ay nasa US$ 575.03 milyon.
Samantala, US$ 22.31 million ay nagmula sa mga pagbebenta sa trade floor at business matching activities na isinagawa ng Department of Trade (DTI) Export Marketing Bureau (EMB) and Food2China.
Pagkaing mabuti sa kalusugan at produktong organiko ang itinampok sa Philippine Pavilion sa katatapos na CIIE ngayong taon. Apatnapung (40) kumpanya ang nagpakita ng mga produktong naglalayong tangkilikin sa dambuhalang merkadong Tsino.
Itinanghal din sa Philippine Pavilion ang malalim at makasaysayang ugnayan ng Pilipinas at Tsina na pinatatag sa loob ng maraming taon. Nakipagtulungan ang Liwayway China sa paggawa nito.
Hindi natatapos sa paglahok sa CIIE ang pagpapakilala ng pagkain at produktong Pilipino sa Tsina. Ayon pa sa PTIC Shanghai, sa pamamagitan ng
https://foodphilippines.cn/ciie2021/ at www.ifexconnect.com ang mga potensyal na buyers mula sa Tsina ay maaaring humingi ng Business to Business (B2B) meetings para makakuha ng mas maraming kaalaman mula sa Pilipinong exhibitors at kani-kanilang mga produkto.
Sa mga social media platforms na Tsino gaya ng Weibo at WeChat ay ipinakikilala na rin ang mga produkto at mga serbisyong pangkalakalan ng Pilipinas para sa mas malawak na pag-abot sa mga mamamayang Tsino.
Ang 2021 ay ika-4 na paglahok ng Pilipinas sa taunang CIIE. Nitong apat na taong nakalipas, walang patid na tumataas ang halagang natamo ng delegasyong Pilipino. Para sa CIIE 2020, ang total value of business leads ay umabot sa US$ 462.36 milyon samantalang US$389.70 milyon ang naabot sa ikalawang CIIE, at US$ 124 milyon para sa unang CIIE.
Ulat: Machelle Ramos
Patnugot sa nilalaman: Jade/Mac
Patnugot sa website: Jade
Larawan: PTIC-Shanghai
Espesyal na pasasalamat kay Commercial Vice Consul Mario Tani ng PTIC-Shanghai