Tsina't Timog Korea, mas pasusulungin ang bilateral na ugnayan

2021-12-03 10:48:51  CMG
Share with:

Palalakasin ng Tsina’t Timog Korea (ROK) ang pagpapalitan sa mataas na lebel at palalalimin ang kooperasyong praktikal sa larangan ng kabuhaya’t kalakalan, kultura, pagtugon sa pandemiya, at iba pa.

 

Ito ang kasunduang narating nina Yang Jiechi, Miyembro ng Pulitburo ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC), at Suh Hoon, Tagapayo sa Pambansang Seguridad ng Timog Korea, sa kanilang pag-uusap nitong Huwebes, Disyembre 2, 2021, sa Tianjin, munisipalidad sa dakong hilaga ng Tsina.

 

Tsina’t Vietnam, ibayo pang magtutulungan laban sa COVID-19

Sina Yang Jiechi (kanan) at Suh Hoon

 

Ang 2021 at 2022 ay Taon ng Pagpapalitang Kultural ng Tsina at Timog Korea. Sa taong 2022, sasalubungin ng dalawang bansa ang ika-30 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko.

 

Sa okasyong ito, nakahanda ani Yang ang Tsina na palalimin ang pragmatikong kooperasyon, komong kaunlaran, at pagkakaibigan ng mga mamamayan sa Timog Korea para itatag ang mas malalim at mas matibay na estratehikong kooperatibong partnership ng dalawang bansa.

 

Saad din ni Yang, bilang dalawang pangunahing ekonomiya sa daigdig at tagapagsuporta sa multilateralismo at pandaigdig na sistema ng malayang kalakalan, kailangang patuloy na magkapit-bisig ang Tsina’t Timog Korea para matiyak ang katatagan ng mga global supply chains at industrial chains. Kasabay nito, magkasamang magsisikap ang dalawang bansa para itatag ang mas makatwiran at patas na pandaigdig na sistema ng pangangasiwa, dagdag pa ni Yang.

 

Inulit din ni Yang ang kahandaan ng Tsina na magsikap, kasama ng lahat ng mga may kinalamang panig para mapanatili ang kapayapaan at katatagan ng Korean Peninsula.

 

Ipinahayag naman ni Suh Hoon ang pagpapahalaga ng Timog Korea sa pagpapasulong ng mga ugnayan at pagtutulungan sa Tsina sa iba’t ibang larangan. Suportado aniya ng kanyang bansa ang pagtataguyod ng Tsina ng Beijing 2022 Winter Olympics.

 

Nangako rin ang punong tagapayong panseguridad ng Timog Korea na patuloy na magpunyagi, kasama ang Tsina, para mapanatili ang pangmatagalang kapayapaan ng Korean Peninsula at pangalagaan ang multilateralismo.

 

Salin: Jade

Pulido: Mac 

Please select the login method