Tsina: Paghingi ng tawad ng Mayor ng Denver kaugnay ng 1880 Anti-Chinese riot sa Amerika kapuri-puri

2022-04-20 15:59:42  CMG
Share with:


Sa isang nilagdaang liham na isinapubliko nitong Abril 16, 2022, ni Michael Hancock, Mayor ng Denver, Colorado ng Amerik­­­a, ipinahayag nito ang opisyal na paghingi ng tawad para sa anti-Chinese riot na naganap noong 1880 sa Denver.

 

Ayon sa Columbia Broadcasting System (CBS), media ng Amerika, ang Denver ay ikalimang lunsod ng Amerika na humingi ng tawad para sa katulad na insidente sa komunidad na Tsino at ito rin ang kauna-unahang lunsod sa labas ng California na gumawa nito.

 

Kaugnay nito, ipinahayag nitong Abril 19, 2022, ni Wang Wenbin, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na kapuri-puri ang akyong ito ng Denver.

 


Tinukoy ni Wang na ayon sa estadistika ng kinauukulang institusyon ng pananaliksik ng Amerika, lumaki ng 339% ang anti-Asian hate crimes noong isang taon.

 

Dapat harapin ng Amerika ang sarili nitong problema, isagawa ang konkretong mga hakbangin para lutasin ang isyu ng racial discrimination, at pangalagaan ang kaligtasan at igarantiya ang karapatan at lehitimong interes ng mga mamamayang Tsino sa Amerika, dagdag ni Wang.

 

Salin:Sarah

Pulido:Mac