Geneva — Pinasinayaan nitong Miyerkules, Abril 20 (local time), 2022 ang 2022 United Nations (UN) Language Day at Ika-2 Chinese Language Video Festival ng China Media Group (CMG).
Sa pamamagitan ng video link, dumalo at nagpadala ng mensahe sa aktibidad sina Tatiana Valovaya, Direktor-Heneral ng Tanggapan ng UN sa Geneva, Shen Haixiong, Presidente ng CMG, at Chen Xu, Pirmihang Kinatawang Tsino sa Tanggapan ng UN sa Geneva.
Sa kanyang mensahe, ipinaabot ni Tatiana Valovaya ang taos-pusong pasasalamat sa pagtataguyod ng pirmihang delegasyong Tsino sa Geneva at CMG sa nasabing aktibidad.
Sinabi niya na lagi’t laging buong sikap na hinihikayat ng UN Chinese Language Day ang dibersidad ng kultura, at pinapasulong ang paggamit ng maraming uri ng wika.
Ang wikang Tsino ay isa sa mga pinakamatandang wika sa buong mundo, at mahalagang bahagi ng kultura ng sangkatauhan ang katalinuhang pangkultura na taglay nito, aniya pa.
Sa kanya namang mensahe, ipinahayag ni Shen na ang UN Chinese Language Day ay kapistahan bilang pagdiriwang sa dibersidad ng wika at kultura.
Ito rin aniya ay kapistahan ng pagpapasulong ng ideya ng multilateralismo.
Sinabi niya na bilang pangunahing media sa daigdig, patuloy na isasabalikat ng CMG ang tungkulin nito bilang isang responsableng media.
Sa pamamagitan ng aktuwal na aksyon, layunin ng CMG na buwagin ang dibisyon at palalimin ang pag-uunawaan upang mapalaganap ang katahimikan at kapayapaan sa daigdig, at magkakasamang mapasulong ang pagtatatag ng komunidad na may pinagbabahaginang kapalaran ng buong sangkatauhan, diin pa ni Shen.
Samantala, ipinahayag ni Chen ang pag-asang patuloy na mapapatingkad ng UN Chinese Language Day ang papel nito bilang pinto at tulay para maunawaan ng mas maraming dayuhang kaibigan ang Tsina at kulturang Tsino.
Salin: Lito
Pulido: Rhio