Sa kanyang pakikipagtagpo sa pamamagitan ng video link kay Chancellor Olaf Scholz ng Alemanya nitong Lunes, Mayo 9, 2022, tinukoy ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina na sa kasalukuyan, masalimuot at pabagu-bago ang kalagayang pandaigdig, malinaw na dumarami ang mga kahirapan at hamong kinakaharap ng pandaigdigang seguridad at kaunlaran, at mas kailangang kailangan ang pagpapatingkad ng katatagan at katiyakan para sa pabagu-bagong panahon.
Diin ni Xi, ang pagpapabilis ng Tsina ng pagbuo ng bagong kayariang pangkaunlaran ay makakaloob ng pagkakataon ng mas malawak na pamilihan para sa iba’t ibang bansang kinabibilangan ng Alemanya.
Malugod na tinatanggap aniya ang aktibong pagsuporta at pagsali ng panig Aleman sa Global Development Initiative at Global Security Initiative, at pagpapasulong sa pagtatatag ng komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan ng sangkatauhan.
Diin ni Xi, bilang komprehensibo’t estratehikong partner, ang Tsina at Europa ay pagkakataon ng isa’t isa, at mas malaki ang komong kapakanan ng kapuwa panig kumpara sa alitan. Kinakatigan ng panig Tsino ang pagpapasiya ng Unyong Europeo (EU) sa sariling estratehiya.
Aniya, hindi nakatuon, dumedepende at hadlang sa ikatlong panig ang relasyong Sino-Europeo.
Umaasa aniya siyang patitingkarin ng panig Aleman ang positibong impluwensiya para sa matatag at malusog na pag-unlad ng relasyong Sino-Europeo.
Inihayag naman ni Scholz ang pagtanggap sa sigasig ng panig Tsino sa pagpapalawak ng pagbubukas sa labas sa mataas na lebel. Aniya, magdudulot ito ng mas maraming pagkakataon sa panig Aleman.
Nakahanda ang panig Aleman na palakasin ang pakikipag-ugnayan at pakikipagkoordina sa panig Tsino sa multilateral na larangan, at pasulungin ang positibong pag-unlad ng relasyong Sino-Europeo, dagdag niya.
Malaliman at matapat na nagpalitan ng kuru-kuro ang dalawang lider ukol sa kalagayan ng Ukraine.
Salin: Vera
Pulido: Mac