Tsina hinimok ang Amerika na isagawa ang aktuwal na aksyon sa isyu ng walang nuklear na Korean Peninsula

2022-06-08 17:35:02  CMG
Share with:

Ipinahayag nitong Hunyo 6, 2022, ng Direktor-Heneral ng International Atomic Energy Agency (IAEA) na may mga palatandaang naghahanda ang Hilagang Korea sa pagsubok na nuklear.

 

Kaugnay nito, ipinahayag nitong Hunyo 7, 2022, ni Zhao Lijian, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ang pangangalaga sa kapayapaan at katatagan ng Korean Peninsula at pagsasakatuparan ng walang nuklear na peninsula ay komong interes ng iba’t ibang kinauukulang panig at maging ng komunidad ng daigdig.

 

Umaasa ang Tsina na tatahakin ng mga kinauukulang panig ang magkaparehong direksyon para magkakasamang magsikap upang pasulungin ang proseso ng paglutas sa isyu ng peninsula sa pamamagitan ng pulitikal na paraan.

 

Bukod dito, ipinahayag nitong Hunyo 6, 2022, ni Ned Price, Tagapagsalita ng Konseho ng Estado ng Amerika, na nais ng Amerika na isagawa ang diyalogo sa Hilagang Korea. Ang sinumang  bansa na magpapataw ng sisi sa Amerika kaungay ng kawalan ng diyalogo ay kulang ang kaalaman at nagpapalaganap  ng kasinungalingan.

 

Bilang tugon, sinabi ni Zhao Lijian na ang dahilan ng kasalukuyang kalagayan ng peninsula ay ang kawalan ng aksyon ng Amerika sa denuklearisasyon ng Hilagang Korea noong 2018 ayon sa prinsipyo ng “action for action.”

 

Dapat ipakita ng Amerika ang sinseridad at isagawa ang aktuwal na aksyon sa halip ng mga walang saysay na pananalita.

 

Salin:Sarah

Pulido:Mac