Xi at Putin, nag-usap sa telepono: pangmalayuang pag-unlad ng relasyong Sino-Ruso, isusulong

2022-06-15 21:32:42  CMG
Share with:


Nag-usap sa telepono ngayong araw, Hunyo 15, 2022 sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Vladimir Putin ng Rusya.

 

Sinabi ni Xi na pagpasok ng taong 2022, nananatiling mainam ang tunguhin ng pag-unlad ng relasyong Sino-Ruso sa harap ng pandaigdig na kaligaligan at pagbabago.

 

Matatag din aniya ang progresong natamo ng dalawang bansa sa pagtutulungang pangkabuhaya’t pangkalakalan.

 

Bunga nito, nagbukas na kamakailan ang Heihe-Blagoveshchensk Cross-border Highway Bridge na nagsisilbing bagong tsanel na nag-uugnay ng Tsina’t Rusya, dagdag ni Xi.

 

Nakahanda aniya ang Tsina, kasama ng Rusya na pasulungin ang matatag at pangmalayuang pag-unlad ng mga praktikal na kooperasyong Sino-Ruso.

 

Kaugnay ng isyu ng Ukraine, binigyang-diin ni Xi, na alinsunod sa kalagayang historikal at alang-alang sa kabutihan ng lahat, laging indipendiyenteng tinatasa ng Tsina ang situwasyon, at aktibong pinapasulong ang pandaigdigang kapayapaan at katatagan ng pandaigdig na kaayusang pangkabuhayan.

 

Sa pamamagitan ng responsableng paraan, kailangan aniyang pasulungin ng lahat ng panig ang maayos na kalutasan ng krisis sa Ukraine.

 

Para rito, patuloy na gagampanan ng Tsina ang kinakailangang papel, diin ni Xi.

 

Kinikilala naman ni Pangulong Putin ang matatag na pag-unlad ng mga pragmatikong pagtutulungang Ruso-Sino sa taong ito, at kinakatigan aniya ng Rusya sa Global Security Initiative na iniharap ng Tsina.

 

Tutol aniya ang panig Ruso sa pakikialam ng sinumang panig sa mga suliraning panloob ng Tsina, na gaya ng isyu ng Xinjiang, Hong Kong at Taiwan.

 

Nakahanda ang Rusya na pahigpitin ang multilateral na pakikipagkoordinasyon sa Tsina para magbigay ng konstruktibong ambag sa pagpapasulong ng multipolarisasyon ng daigdig at pagtatag ng mas makatarungan at makatuwirang pandaigdig na kaayusan, saad pa ni Putin.

 

Salin: Jade

Pulido: Rhio