Sa pamamagitan ng video link, pinanguluhan Biyernes ng gabi, Hunyo 24, 2022 ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang High-level Dialogue on Global Development.
Sa kanyang talumpati, ibinahagi ni Xi ang kanyang karanasan at damdamin bilang magsasaka sa Loess Plateau.
Tinukoy niyang noong huling dako ng 1960s, nagtrabaho siya bilang magsasaka sa isang maliit na nayon sa Loess Plateau kung saan aktuwal niyang naranasan ang kahirapan ng mga mamamayan sa lugar.
Ang pananabik aniya ng mga mamamayan sa maunlad na pamumuhay ay nag-iwan ng napakalalim na impresyon sa kanyang isipan.
Matapos ang kalahating siglo, muli niyang binisita ang nasabing lugar kung saan nasaksihan niya ang masaganang uri ng pagkain, pananamit at tunay na kasiyahan sa mukha ng mga mamamayan.
Naniniwala si Xi, na ang tanging paraan upang makamtan ang pag-unlad ay isakatuparan ang pangarap sa masaganang pamumuhay at mapayapang lipunan ng mga mamamayan.
Ani Xi, kung makakamtan ng mga mamamayan ng iba’t-ibang bansa ang maunlad na pamumuhay, magiging pangmatagalan ang kasaganaan, maigagarantiya ang kaligtasan, at titibay ng pundasyon ng karapatang pantao.
Pero, kasabay ng pagbabago ng situwasyong pandaigdig at patuloy na paglaganap ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), nagiging mas mahirap ang pagsasakatuparan ng kaunlaran, dagdag ng pangulong Tsino.
Ang sagot aniya sa suliranin ng “depisito sa kaunlaran,” ay pagbibigay ng mahalagang katayuan sa usaping ito sa pandaigdigang agenda.
Kaugnay nito, iniharap Setyembre 2021, ni Pangulong Xi ang Global Development Initiative (GDI) sa Pangkalahatang Asemblea ng United Nations (UN).
Ang pagdaraos ng High-level Dialogue on Global Development ay nagpapakitang sumusulong na ang pansin ng komunidad ng daigdig sa isyu ng kaunlaran.
Kadugtong ng GDI, ibayo pang iminungkahi ni Xi ang magkasamang pagtatatag ng balanse, koordinado, inklusibo at kooperatibong kayariang pangkaunlaran tungo sa win-win na resulta at komong kasaganaan.
Ipinahayag din ni Xi na magsisikap ang Tsina kasama ng iba’t-ibang panig para magkakasamang mapasulong ang kooperasyon sa mahahalagang larangang gaya ng paggagalugad ng mga yaman, pagbabawas ng karalitaan, pagpapataas ng kakayahan ng produksyon ng pagkaing-butil, pagpapaunlad ng malinis na enerhiya, inobatibong pagsubok-yari ng bakuna laban sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), pagpapasulong ng pangangalaga sa ekolohiyang panlupa at pandagat, at pagpapasulong ng konektibidad sa digital era para makapagbigay ng bagong kasigalahan sa pag-unlad ng iba’t-ibang bansa.
Salin: Lito
Pulido: Rhio