Nakatakdang pagdalaw ni Pangulong Widodo ng Indonesia sa Tsina, isinalaysay ng MFA

2022-07-21 16:43:23  CMG
Share with:

Sa paanyaya ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, dadalaw sa bansa mula Hulyo 25 hanggang 26, 2022, si Pangulong Joko Widodo ng Indonesia.

 

Kaugnay nito, inihayag Huwebes, Hulyo 21 ni Tagapagsalita Wang Wenbin ng Ministring Panlabas ng Tsina na si Pangulong Widodo ang unang banyagang lider na dadalaw sa Tsina pagkatapos ng Beijing Olympic Winter Games, at ang Tsina ay unang hinto ng kauna-unahang biyahe ni Widodo sa Silangang Asya pagkaraang sumiklab ang pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

 

Saad ni Wang, ipinakikita nito ang lubos na pagpapahalaga ng Tsina at Indonesia sa kanilang bilateral na relasyon.

 

Sa panahon ng pananatili ni Widodo sa Tsina, inaasahang magtatagpo sila ni Pangulong Xi, para malalimang magpalitan ng kuru-kuro hinggil sa bilateral na relasyon at mahahalagang isyung panrehiyon at pandaigdig, dagdag ni Wang.

 

Umaasa aniya ang panig Tsino na sa pamamagitan ng pagdalaw na ito, ibayo pang mapapalalim ang estratehikong pagtitiwalaan at pragmatikong kooperasyon ng kapuwa panig, at malilikha ang modelo ng mutuwal na kapakinabangan at win-win na situwasyon ng mga umuunlad na bansa sa bagong panahon, magiging halimbawa ng komong kaunlaran, at tagabunsod ng South-South Cooperation.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Rhio