PHEIC, idineklara ng WHO kaugnay ng pagkalat ng monkeypox

2022-07-24 16:57:23  CMG
Share with:

 

Itinaas, Hulyo 23, 2022 ng World Health Organization (WHO) ang pinakamataas na alerto kaugnay ng nangyayaring pagkalat ng monkeypox, sa pamamagitan ng pagtuturing sa virus na nagsasanhi nito bilang Public Health Emergency of International Concern (PHEIC).

Sinabi ni Tedros Adhanom Ghebreyesus, Direktor Heneral ng WHO, na ginawa ang naturang kapasiyahan makaraan ang dalawang pulong ng mga eksperto ng WHO.

 

Aniya, mabilis na kumakalat ang monkeypox sa daigdig, sa pamamagitan ng bagong paraan ng transmisyon at kakaunti pa lamang ang nauunawaan ng mga eksperto tungkol dito.

 

Paliwanag niya, sa kasalukuyan ay kumakalat ang monkeypox, pangunahin na, sa mga lalaking nakikipagtalik sa lalaki, lalung-lalo na sa may maraming katalik.

 

Ito’y nangangahulugan na mapipigilan ang outbreak sa pamamagitan ng mga tamang estratehiya sa mga tamang grupo, dagdag niya.

 

Nanawagan din si Ghebreyesus para pangalagaan ang kalusugan, karapatang pantao, at dignidad ng mga apektado.

 

Kaugnay nito, ayon sa bagong pag-aaral na inilabas nitong Huwebes sa New England Journal of Medicine, ang naturang outbreak, na nakakaapekto sa halos 17,000 katao sa 74 na bansa ay dinudulot, pangunahin na, ng pagtatalik sa pagitan ng mga lalaki.


Editor: Liu Kai
Pulido: Rhio Zablan