Kaugnay ng paglagda Agosto 9, 2022 ni Pangulong Joe Biden ng Amerika sa CHIPS and Science Act, na di-umano’y “naglalayong pataasin ang kakayahang kompetitibo ng industriya ng siyensiya at paggawa ng chip ng Amerika,” ipinahayag Agosto 10, 2022 ni Tagapagsalita Wang Wenbin ng Ministring Panlabas ng Tsina, na sa katotohanan, ipagkakaloob nito ang malalaking subsidiya sa domestikong industriya ng chip ng Amerika, at pasusulungin ang mga patakarang maglilimita sa ilang kompanya na mamuhunan sa Tsina, magbabawal sa mga aktibidad na pangkabuhayan at pangkalakalan, at puputol sa mga kooperasyong pansiyensiya at panteknolohiya ng Tsina at Amerika.
Babaluktutin aniya nito ang pandaigdigang supply chain ng semiconductor at gagambalain ang internasyonal na kalakalan.
Ito ay matinding tinututulan ng Tsina, saad ni Wang.
Dagdag pa niya, ang kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan, at pansiyensiya at panteknolohiya ng Tsina at Amerika ay mabuti sa komong interes ng dalawang panig at pag-unlad ng buong sangkatauhan, at ang limitasyon at decoupling ay makakasakit sa iba’t ibang panig.
Bukod dito, sinabi rin ni Wang na uunlad ang Tsina batay sa sarili nitong lakas.
Walang anumang paglimita ang maaaring humadlang sa pag-unlad ng siyensiya, teknolohiya at industriya ng Tsina, dagdag niya.
Salin:Sarah
Pulido:Rhio