Pangulo ng Tsina at Pransya, nagtatagpo: diyalogo at kooperasyon palalakasin

2022-11-15 17:04:01  CMG
Share with:

Chinese President Xi Jinping meets with French President Emmanuel Macron in Bali, Indonesia, Nov. 15, 2022Xinhua


Sa kanyang pakikipagtagpo ngayong araw, Nobyembre 15, 2022, sa Bali Island, Indonesya kay Pangulong Emmanuel Macron ng Pransya, sinabi ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina na patuloy na nagsisikap ang kanyang bansa para isulong ang pagbubukas sa labas sa mataas na lebel, at palakasin ang modernisasyong Tsino, upang magkaloob ng bagong pagkakataon sa iba’t ibang bansa ng daigdig na kinabibilangan ng Pransya.

 

Umaasa rin siyang ipagkakaloob ng Pransya ang mas pantay, mas makatuwiran, at walang diskriminasyong kapaligiran ng negosyo para sa mga kompanyang Tsino.

 

Binigyan-diin ni Xi na dapat palawakin ng Tsina at Europa ang bilateral na kalakalan at pamumuhunan; pangalagaan ang katatagan ng kadenang suplay at industriyal ng buong daigdig; at ipagsanggalang ang regulasyon, kaayusan ng pandaigdigang pangkabuhayan, at kalakalan.

 

Umaasa si Xi na pasusulungin ng Pransya ang pananangan ng Unyong Europeo (EU) sa indipendiyente at positibong patakaran sa Tsina.

 

Ipinahayag ni Macron na tumatalima ang Pransya sa indipendiyenteng patakarang panlabas, at tumututol sa bloc confrontation.

 

Sa harap ng di-matatag na pandaigdigang kalagayan, nais aniya ng Pransya na makipagtulungan sa Tsina upang mapalakas ang diwa ng paggalang sa isa’t isa, pagkakapantay-pantay, at isulong ang pagkakamit ng mutuwal na kapakinabangan.

 

Sa tulong ng Tsina, umaasa ang Pransya na magpapatuloy ang diyalogo ng dalawang bansa sa mataas na antas, at lalo pang lalakas ang kooperasyon sa iba’t ibang larangan, saad ni Macron.

 

Ikatutuwa aniya ng Pransya kung makikipagkooperasyon ang mga kompanyang Tsino sa mga kompanyang Pranses.

 

Aniya pa, nakahanda ang Pransya na gumanap ng aktibong papel sa pagpapasulong ng diyalogo sa pagitan ng EU at Tsina.

 

Bukod dito, nagpalitan din ng kuru-kuro ang dalawang lider hinggil sa kalagayan ng Ukraine.

 

Salin:Sarah

Pulido:Rhio