Tsina sa Britanya: igalang ang katotohanan, at itigil ang hypokritikal at doble istandard na gawain – tagapagsalitang Tsino

2022-11-30 16:42:08  CMG
Share with:



Kaugnay ng pagbatikos ni Punong Ministro Rishi Sunak ng Britanya sa Tsina hinggil sa pagkaka-aresto ng isang mamamahayag ng British Broadcasting Corporation (BBC), sinabi Nobyembre 29, 2022, ni Zhao Lijian, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na noong gabi ng Nobyembre 27, 2022, hiniling ng pulisya ng Shanghai sa mga taong nagtitipon sa isang sangang-daan, na itigil ang kanilang aktibidad at lisanin ang lugar.

 

Pero, tumanggi aniya ang mamamahayag ng BBC at hindi siya nagpakilala bilang mamamahayag.

 

Dahil dito, kinuha siya ng mga pulis, kinilala, ipinaalam ang mga kaukulang batas at regulasyon, at saka pinalaya, paliwanag ni Zhao.

 

Ang prosesong ito aniya ay nasa framework ng lehitimong pamamaraan.

 

Sinabi pa niya na ang pananalita ng Britanya ay malubhang pagbaluktot sa katotohanan, at ito ay pakikialam sa mga suliraning panloob ng Tsina.

 

Diin ni Zhao, matatag itong tinututulan ng Tsina.

 

Ang mga dayuhang mamamahayag ay may karapatang mag-ulat ayon sa batas sa Tsina, pero kasabay nito, dapat din nilang sundin ang mga batas at regulasyon ng bansa, dagdag niya.

 

Kaugnay nito, kailangan aniyang ipakita ng isang dayuhang mamamahayag ang kanyang kredensyal kapag kinompronta ng pulisya, at hindi siya maaaring sumali sa mga aktibidad na hindi nararapat gawin ng isang mamamahayag.

 

Wala aniyang anumang organisasyon ng media na pumapangibabaw sa alituntuning ito, at wala itong kaugnayan sa kalayaan sa pamamahayag.

 

Dapat igalang ng Britanya ang katotohanan, at itigil ang hypokritikal at doble istandard nitong gawain, saad ni Zhao.

 

Salin:Sarah

Pulido:Rhio