Sa kanyang pakikipagtagpo Pebrero 6, 2022, kay Shah Mahmood Qureshi, Ministrong Panlabas ng Pakistan, ipinahayag ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, na nakahandang magsikap ang kanyang bansa, kasama ng Pakistan, para lalo pang pasulungin ang pagtatatag ng mas mahigpit na komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan ng Tsina at Pakistan sa bagong panahon.
Aniya, buong lakas na pasusulungin ng Tsina ang komprehensibong kooperasyon sa Pakistan sa iba’t-ibang larangan.
Sinusuportahan ng Tsina ang Pakistan sa pangangalaga sa soberanya at kabuuan ng teritoryo ng bansa, at pagsusulong ng kasaganaan at pagsasanggalang sa lehitimong kapakanan ng mga mamamayan nito, saad ni Wang.
Ipinahayag din ni Wang na makaraan ang 9 taong konstruksyon, ang China-Pakistan Economic Corridor ay isa na ngayong namumunong proyekto para sa komong pag-unlad ng dalawang bansa, at natamo nito ang maraming bunga.
Dapat lalo pang pasulungin ang de-kalidad na pag-unlad ng koridor sa hinaharap, para makinabang ang mga mamamayan ng kapuwa panig, dagdag ni Wang.
Samantala, ipinahayag naman ni Qureshi na mahigpit na nananangan ang Pakistan sa patakarang Isang Tsina, at sinusuportahan ang Tsina sa mga isyung may kinalaman sa Taiwan, Hong Kong, Xinjiang, at iba pang isyung kaugnay ng nukleong interes ng bansa.
Nakahanda ang Pakistan na lalo pang palalalimin ang pakikipagkooperasyon sa Tsina sa mga larangang gaya ng industriya, agrikultura, siyensiya at teknolohiya at iba pa, dagdag ni Qureshi.
Salin:Sarah
Pulido:Rhio