Ipinahayag Pebrero 14, 2022, ni Sergei Lavrov, Ministrong Panlabas ng Rusya, na patuloy na magdidiyalogo ang kanyang bansa sa Amerika at North Atlantic Treaty Organization (NATO) kaugnay ng isyu ng paggarantiya ng seguridad.
Ayon sa ulat kahapon ng media ng Rusya, nakipagtagpo nang araw rin iyon si Pangulong Vladmir Putin ng Rusya kay Lavrov kaugnay ng naturang usapin.
Ipinahayag ni Lavrov na hindi nasiyahan ang Rusya sa sagot ng Amerika sa mungkahi ng Rusya sa paggarantiya ng seguridad, partikular na, sa mga isyung may kinalaman sa pagtigil ng ekspansyon ng NATO, di-pagdedeploy ng strike weapons sa paligid ng hanggahan ng Rusya, pagpapanumbalik ng pasilidad na militar sa Europa sa kalagayan noong 1997, kung kailan nilagdaan ng Rusya at NATO ang dokumento sa pundamental na relasyon, at iba pa.
Sinabi ni Lavrov na patuloy na pasusulungin ng Rusya ang diyalogo sa mga bansang kanluranin hinggil sa bahagi ng paggarantiya ng seguridad na mayroong “realistikong katuturan,” at ipagpapatuloy din ang kahilingan ng Rusya sa mga bansang kanluranin na dapat sagutin ang mga tanong na inilahad ng Rsuya.
Salin:Sarah
Pulido:Mac