Kathmandu, kabisera ng Nepal - Kinatagpo Marso 27, 2022 ni Pangulong Bidhya Devi Bhandari ng Nepal si Wang Yi, dumadalaw na Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina.
Ipinaabot ni Bhandari ang kanyang pangungumusta kay Pangulong Xi Jinping ng Tsina, at sinabing palagiang nagsisikap ang Nepal sa pagpapaunlad ng relasyong pangkaibigan sa Tsina, at buong tatag itong nananangan sa patakarang Isang Tsina.
Pinasalamatan din niya ang tulong na ipinagkaloob ng Tsina para sa pag-unlad ng lipunan ng Nepal.
Nakahanda aniyang patuloy na magsikap ang Nepal, kasama ng Tsina, para isakatuparan ang bunga ng pagdalaw ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa Nepal, at pasulungin ang pagtatatag ng “Belt and Road Initiative.”
Samantala, ipinaabot ni Wang Yi ang pagbati ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa Nepal.
Sinabi ni Wang na patuloy na susuportahan ng Tsina ang Nepal sa pangangalanga sa sariling soberanya at dignidad ng nasyon, paghahanap ng landas ng pag-unlad na angkop sa sariling kapakanan, at pananangan sa nagsasariling patakarang panloob at panlabas.
Nakahanda ang Tsina na palalimin ang pagkakaibigan ng Tsina at Nepal, ani Wang.
Samantala, pinapurihan ni Bhandari ang lubos na pagpapahalaga ng Partido Komunista ng Tsina (CPC) sa pag-unlad ng demokrasya.
Hindi aniya sang-ayon ang Nepal sa paninirang-puri ng ilang puwersa ng daigdig sa CPC.
Nananalig ang Nepal na tiyak na matatamo ng modelo ng Tsina ang mas malaking tagumpay, saad niya.
Samantala, binigyan-diin ni Wang na ang CPC at iba’t-ibang partido ng Nepal ay mayroong tradisyonal na relasyong pangkaibigan.
Nakahanda ang Tsina na makipagpalitan sa iba’t-ibang paksyon at partido ng Nepal para magkakasamang pasulungin ang pag-unlad ng usapin ng karapatang-pantao ng buong sangkatauhan, ani Wang.
Salin:Sarah
Pulido:Rhio