Ipinahayag, Enero 3, 2023, ni Mao Ning, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na sa harap ng mga pagbabago sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) at optimisasyon ng mga hakbang sa paglaban dito, napapanahon, bukas at malinaw na ibinabahagi ng Tsina ang mga kaukulang impormasyon, alinsunod na batas.
Sinabi rin niyang ibinabahagi ng Tsina ang genome data ng virus ng mga pinakahuling kaso, sa pamamagitan ng Global Initiative on Sharing Avian Influenza Data (GISAID).
Aniya, sa video meeting na dinaos kamakailan, nag-usap ang kinauukulang departamento ng Tsina at World Health Orgnization (WHO) hinggil sa mga temang kinabibilangan ng kasalukuyang kalagayan ng pandemiya, paggamot, pagbabakuna at iba pa.
Sumang-ayon ang dalawang panig na patuloy na isagawa ang kooperasyong panteknolohiya upang tulungan ang buong daigdig na bigyang-wakas ang pandemiya sa lalong madaling panahon, saad ni Mao.
Samantala, ipinalalagay aniya ng mga dalubhasang pangkalusugan ng iba’t-ibang bansa na ang pangunahing uri ng virus na kumakalat ngayon sa Tsina ay natuklasan sa ibang lugar ng daigdig.
May posibilidad na magkaroon ng mutasyon sa virus sa anumang lugar, kaya hindi kailangang isagawa ang restriksyon sa mga Tsinong nagnanais magpunta sa ibang bansa, paliwanag ni Mao.
Diin niya, ang paglaban sa pandemiya ay dapat nakabatay sa siyensiya.
Hindi dapat isagawa ang manipulasyong pulitikal at diskrinimasyon, at hindi rin dapat maapektuhan ang normal na pagpapalitan at pagtutulungan ng mga tao, ani Mao.
Salin:Sarah
Pulido:Rhio