Resiprokal na hakbang, isasagawa ng Tsina bilang tugon sa mga diskrminatoryong restriksyon ng T. Korea

2023-02-01 17:16:50  CMG
Share with:

 

Kaugnay ng napipintong pagsasagawa ng pamahalaang Tsino ng nucleic acid test sa lahat ng manlalakbay mula sa Timog Korea, ipinahayag Enero 31, 2023, ni Mao Ning, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na sapul nang pababain ang pangangasiwa sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) bilang Class-B infectious disease, mula Class-A infectious disease, isinagawa ng ilang bansa ang restriksyong nakatuon sa mga biyaherong Tsino.

 

Kaugnay nito, matapat aniyang nakipagsanggunian ang Tsina sa kinauukulang bansa upang lubos na ipaliwanag ang mga siyentipiko’t makatuwirang hakbangin nito sa pagkontrol sa COVID-19, ayon sa kasalukuyang kalagayan sa bansa.

 

Magkagayunman, isinagawa pa rin ng ilang bansa ang mga diskriminatoryong restriksyon sa mga Tsino, dagdag ni Mao.

 

Mariin aniyang tinututulan ng Tsina ang mga gawaing ito, at mayroon itong katuwirang isagawa ang mga resiprokal na hakbang kung kakailanganin.

 

Tutol din aniya ang Tsina sa pagsasapulitika ng pangangasiwa sa pagpigil at pagkontrol ng COVID-19, at dapat agarang kanselahin ang nasabing mga diskriminatoryong hakbangin.

 

Sa kabilang dako, nakahandang magsikap ang Tsina, kasama ng iba’t-ibang bansa, para isulong ang mas ginhawang pagpapalitan ng mga mamamayan nito at ibang bansa.

 

Salin:Sarah

Pulido:Rhio