Ipinahayag, Pebrero 7, 2023, ni Mao Ning, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na sinusubaybayan ng kanyang bansa ang mga kaganapan kaugnay ng malakas na lindol sa Türkiye at Syria.
Aniya, sa abot ng makakaya, ipinagkakaloob ng Tsina ang mga tulong sa mga mamamayan ng mga apektadong lugar.
Kaugnay nito, isang mensahe ng pakikiramay ang ipina-abot din aniya ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa Türkiye at Syria.
Dagdag ni Mao, naipagkaloob na ng Tsina ang unang pangkat ng tulong na nagkakahalaga ng 46.6 milyong yuan RMB sa Türkiye, na kinabibilangan ng pagpapadala ng mga heavy urban search and rescue team, at grupong medikal, mga gamot at iba pang mga kagamitan na pangkagipitang kinakailangan.
Ang heavy urban search and rescue team ay isang espesyal na operasyong pangkat, na may kaalaman sa medisina, pagpatay ng sunog, pangkagipitang responde, paghahanap at pagliligtas, at inhinyeriya.
Bukod dito, nagbigay na rin ng pangkagipitang makataong tulong ang Red Cross Society of China sa Turkish Red Crescent at Syrian Arab Red Crescent, saad pa niya.
Patuloy na ipagkakaloob ng Tsina ang tulong sa nasabing dalawang bansa ayon sa pangangailangan, dagdag niya.
Salin:Sarah
Pulido:Rhio