Peng Liyuan: Pasyenteng may TB, alagaan at mahalin sa pamamagitan ng aktuwal na aksyon

2023-03-23 16:32:16  CMG
Share with:

Si Peng Liyuan, Unang Ginang ng Tsina at Goodwill Ambassador ng WHO sa Usapin ng Tuberculosis (TB) at HIV/AIDS/file photo

 

Sa kanyang nakasulat na talumpati, Marso 22, 2023, para sa World Tuberculosis Day, Marso 24, sinabi ni Peng Liyuan, Unang Ginang ng Tsina at Goodwill Ambassador ng World Health Organization (WHO) sa Usapin ng Tuberculosis (TB) at HIV/AIDS, na dahil sa aktibong pagsusulong ng WHO at pagsisikap ng komunidad ng daigdig, nagbunga ang paglaban sa sakit na Tuberculosis nitong ilang taong nakailpas.

 

Aniya, lubos na pinahahalagahan ng pamahalaang Tsino ang pagpigil at paggamot sa TB, ito’y nakalakip na sa estratehiya ng Malusog na Tsina.

 

Walang humpay na pinatataas ng Tsina ang suporta, isinasagawa ang multi-sektor na kooperasyon, ine-enkorahe ang pagsali ng buong lipunan sa isyung ito, at aktibong pinasusulong ang diyagnostikong teknolohiya, terapeyutikong kalutasan, at iba pang kagamitan sa pangangasiwa, upang mapanatili sa higit 90% ang mga gumagaling sa sakit na TB, paliwanag niya.

 

Sa gawaing ito, marami rin aniya ang mga kagalang-galang at kapuri-puring boluntaryo mula sa iba’t-ibang bansa, at taos-puso ang kanyang pasasalamat sa kanila.

 

Ipinahayag ni Peng na dapat aktibong isakatuparan ng iba’t-ibang kaukulang panig ang kanilang pangako, dagdagan ang laang-gugulin, isagawa ang pagpapalitan at pagtutulungan, at ibahagi ang karanasan sa pagpigil at paggagamot ng TB, para magkakasamang mapataas ang kakayahan at lebel sa pagpigil at paggagamot sa TB ng buong mundo.

 

Nakahandang magsikap ang Tsina, kasama ng buong daigdig, na aktibong makisangkot sa usapin ng pagpigil at paggagamot sa nasabing sakit, pangalagaan ang mga pasyente, at ingatan ang kanilang kalusugan sa pamamagitan ng pagmamahal at aktuwal na aksyon, saad pa ni Peng.

 

Salin:Sarah

Pulido:Rhio