Problema sa senyal ng elektronikong lock system, sanhi ng pagdiskaril at banggaan ng tren sa Indiya

2023-06-05 15:37:34  CMG
Share with:

Ayon sa "The Times of India," inihayag, Hunyo 4, 2023 ni Ashwini Vaishnaw, Ministro ng Daambakal ng Indiya, na base sa resulta ng pagsisiyasat, problema sa senyal ng elektronikong lock system ang naging sanhi ng pagdiskaril at banggaan ng mga tren sa silangang bahagi ng bansa.

 


Napabalitang bago maganap ang sakuna, ipinadala ang senyal sa elektronikong lock system ng pampasaherong tren na mula sa Kolkata at papuntang Chennai, para pumasok ito sa pangunahing linya, ngunit sa kasamaang-palad, nagkaroon ng problema ang senyal, na nagresulta sa malaking sakuna.

 

Sa kasalukuyan, ginagawa ng mga awtoridad ang lahat ng makakaya upang ibalik ang operasyon ng riles.

 

Bukod diyan, nagbukas ng hotline ang mga awtoridad para sa mga kamag-anak ng mga nasawi.

 

Sa kanyang pag-iinspeksyon sa lugar ng pinangyarihan, sinabi ni Vaishnaw, na tapos na ang operasyon ng paghahanap at pagliligtas, at ang susunod na gawain ay kumpletuhin ang pag-aayos ng riles bago dumating ang umaga ng ika-7 ng Hunyo.

 

Kailangan din aniyang mabilisang alamin kung sino ang may-pananagutan sa aksidente.

 

Hanggang sa kasalukuyan, di-kukulanging 288 katao na ang naitalang nasawi sa nasabing aksidente at mga 1,000 iba pa ang sugatan.

 

Samantala, kinumpirma Hunyo 3, 2023, ng Konsulado Heneral ng Tsina sa Kolkata na walang Tsinong nasawi o nasaktan sa aksidente.

 

Salin:Sarah

Pulido:Rhio