“Pinakamagandang resulta” para sa Ukraine, hahanapin ng bansa kasama ang Poland

2023-07-10 16:24:33  CMG
Share with:

Lutsk, Ukraine - Pagkatapos ng kanyang pakikipagkita kay Pangulong Andrzej Duda ng Poland Linggo, Hulyo 9, 2023, inihayag ni Pangulong Volodymyr Zelensky ng Ukraine na tinalakay nila ang mga isyung may kinalaman sa Summit ng North Atlantic Treaty Organization (NATO) sa Vilnius, at napagkasunduan ang magkasamang pagpupunyagi upang mahanap ang “pinakamagandang resulta” para sa Ukraine.

 

Sa kabilang dako, sinabi Hulyo 8, ni Maria Zakharova, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Rusya, na layon ng pagkakaloob ng Amerika ng mga cluster munition sa Ukraine na antalain ang sagupaan sa pagitan ng Rusya at Ukraine.

 

Ito aniya ay patunay ng kawalan ng kapabilidad ng Ukraine na maglunsad ng ganting-opensiba.

 

Saad ni Zakharova, kitang-kita sa patuloy na pagdaragdag ng tulong-militar ng Amerika sa Ukraine ang palalim nang palalim na pakikialam nito at mga kaalyansa sa sagupaan ng Rusya at Ukraine.

 

Ang nasabing kapasiyahan ng Amerika ay kinondena rin ng mga dalubhasa ng International Committee of Red Cross at Sweden.

 

Anila, ang mga cluster munition ay magbubunsod ng malawakang kalungkutan sa sangkatauhan, at ito’y nangangahulugan ng patuloy na paglala at paglitaw ng mas kakila-kilabot na sagupaan.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Rhio