Sa kanyang pakikipagtagpo, Setyembre 14, 2023, sa Beijing kay Pangulong Nicolás Maduro Moros ng Venezuela, ipinahayag ni Premyer Li Qiang ng Tsina na ang pasya nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Maduro, na pataasin ang relasyon ng dalawang bansa sa all-weather strategic partnership ay mahalagang milestone sa kasaysayan ng relasyon ng Tsina at Venezuela.
Sina Premyer Li Qiang ng Tsina at Pangulong Nicolás Maduro Moros ng Venezuela (photo from Xinhua)
Tinukoy ni Li na patuloy na susuportahan ng Tsina ang Venezuela upang pangalagaan ang soberanya ng bansa, nasyonal na dignidad, at lehitimong karapatan.
Matatag din aniyang tinututulan ng Tsina ang pakiki-alam ng anumang puwersang panlabas sa mga suliraning panloob ng Venezuela sa anumang katuwiran.
Nakahandang magsikap ang Tsina, kasama ng Venezuela, para isakatuparan ang “Belt and Road Initiative (BRI),” Global Development Initiative (GDI), Global Security Initiative (GSI), at Global Civilization Initiative (GCI); palakasin ang pagpapalitan ng karanasan sa pag-unlad; at palalimin ang aktuwal na kooperasyon sa iba’t-ibang larangan, saad ni Li.
Samantala, sinabi ni Maduro na ang pag-unlad ng Tsina ay nagdudulot ng benepisyo hindi lamang sa mga mamamayan nito, kundi sa buong daigdig din.
Hinggil dito, suportado aniya ng Venezuela ang mahahalagang inisyatibang inilahad ni Pangulong Xi Jinping, at nais palakasin ng Venezuela ang pakikipagkooperasyon sa Tsina sa larangan ng kabuhayan at kalakalan, agham, agrikultura, edukasyon, kultura at iba upang malikha ang magandang kinabukasan ng relasyon ng dalawang panig.
Salin:Sarah
Pulido:Rhio