Kaugnay ng pagkilala ni Pangulong Joe Biden ng Amerika sa Tsina bilang “pangunahing bansang pinagmumulan ng droga,” ipinahayag, Setyembre 18, 2023, ni Mao Ning, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ito’y walang batayan ng katotohanan.
Matatag aniyang tinututulan ng Tsina ang paninirang-puring ito, at inilahad na ang solemnang representasyon sa Amerika.
Ani Mao, lubos na pinahahalagahan ng pamahalaang Tsino ang paglaban sa ipinagbabawal na gamot, at hanggang sa kasalukuyan, ini-iskedyul na ang pasusuperbisa sa 456 na anestetiko at saykotropiko, at dalawang iba pang buong klase ng droga.
Diin pa niya, ang Tsina ay isa sa mga bansa sa daigdig na may pinakamahigpit na alituntunin sa ipinagbabawal na gamot at nagsasagawa ng pinakamahigpit na hakbangin laban dito.
Sa kabilang dako, ang Amerika na may 5% populasyon lamang sa daigdig ay kumukonsumo ng 80% ng opioid ng buong mundo, at ang Amerika ang “pangunahing bansang nangangailangan ng droga,” dagdag ni Mao.
Salin:Sarah
Pulido:Rhio