Magkasamang pinanguluhan, Setyembre 19, 2023, sa Moscow, Rusya, nina Wang Yi, Direktor ng Tanggapan ng Komisyon sa Mga Suliraning Panlabas ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC), at Nikolai Patrushev, Kalihim ng Konseho ng Seguridad ng Rusya, ang Ika-18 Pagsasanggunian sa Estratehikong Seguridad ng Tsina at Rusya.
Malalim na nagpalitan ng kuru-kuro ang dalawang panig hinggil sa pagpapalalim ng estratehikong koordinasyon, pagpapalakas ng kooperasyon, at pagpapabuti ng pagtitiwalaan.
Ani Wang, bilang pirmihang miyembro ng United Nations Security Council (UNSC) at responsableng malalaking bansa, mahigpit na nagkokoordinahan ang Tsina at Rusya, magkasamang pinangangalagaan ang tunay na multilateralismo, at tinututulan ang lahat ng uri ng hegemonismo, para pasulungin ang pangangasiwa sa daigdig tungo sa mas makatuwiran at makatarungang direksyon.
Aniya pa, batay sa mahahalagang komong palagay ng mga lider ng dalawang bansa, nakahandang magsikap ang Tsina at Rusya, para isulong ang papel na ginagampanan ng sistema, at ibigay ang mas malaking ambag sa pangangalaga sa seguridad ng dalawang bansa at pagpapasulong ng kapayapaan at katatagan ng daigdig.
Samantala, pinapurihan ni Patrushev ang tatlong global na inisyatiba na inilahad ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina.
Aniya, nakahandang magsikap ang Rusya, kasama ng Tsina para pasulungin ang kapayapaan at katatagan ng Asya-Pasipiko at buong daigdig.
Nagkasundo rin ang dalawang panig na idaos ang pagsasanggunian sa estratehikong seguridad sa angkop na panahon; palakasin ang kooperasyon sa pagpapatupad ng batas, seguridad, pandaigdigang pamamahala ng mga umuusbong na teknolohiya; at iba pang larangan.
Patuloy ding palalakasin ang kooperasyon ng dalawang bansa sa mga multilateral na framework na kinabibilangan ng Shanghai Cooperation Organization, mekanismo ng BRICS at iba pa.
Salin:Sarah
Pulido:Rhio