Katuwiran at katarungang pandaigdig, pangangalagaan ng Tsina at Rusya

2023-09-21 16:27:56  CMG
Share with:

Setyembre 20, 2023, St. Petersburg, Rusya – Sa kanyang pakikipagtagpo kay Wang Yi, Direktor ng Tanggapan ng Komisyon sa Mga Suliraning Panlabas ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC), ipinahayag ni Pangulong Vladimir Putin ng Rusya, na napagtagumpayan ng Rusya sa taong ito ang epekto ng unilateral na sangsyon ng mga bansang kanluranin, at nagsimula na ang paglaki ng kabuhayan ng bansa.

 


Kasama ng Tsina, umaasa aniya ang Rusya, na palalakasin ang pagpapaplano para palalimin ang aktuwal na kooperasyon.

 

Kabilang dako, ipinahayag din ni Putin ang papuri at suporta sa Belt and Road Initiative (BRI).

 

Aniya, nakahanda ang Rusya na palakasin ang pag-uugnay ng Eurasian Economic Union at BRI tungo sa pagsusulong ng rehiyonal na integrasyon.

 

Nais ng Rusya na panatilihin ang mahigpit na pakikipagkoordinasyon sa Tsina sa mga multilateral na framework na tulad ng Shanghai Cooperation Orgnization (SCO), mekanismo ng BRICS at iba pa, upang labanan ang unipolar at hegemonya, at pangalagaan ang katuwiran at katarungan ng daigdig, diin ni Putin.

 

Ipinahayag naman ni Wang Yi na bilang mga pirmihang miyembro ng United Nations Security Council (UNSC), ang Tsina at Rusya ay mayroong mahalagang responsibilidad sa pagpapasulong ng pag-unlad ng buong daigdig.

 

Dapat aniyang palakasin ng dalawang panig ang multilateral na estratehikong koordinasyon, pangalagaan ang lehitimong karapatan at interes, at isagawa ang panibagong pagsisikap para pasulungin ang pag-unlad ng pandaigdigang kaayusan tungo sa makatuwiran at makatarungang direksyon.

 

Maliban diyan, nagpalitan din ng kuru-kuro ang dalawang panig hinggil sa kasalukuyang kalagayan ng daigdig at rehiyon.

 

Sa isyu ng Ukraine, inulit ni Putin ang kahandaan ng Rusya na lutasin ang isyung ito sa pamamagitan ng talastasan at diyalogo.

 

Salin:Sarah

Pulido:Rhio