Nagtagpo Oktubre 29, 2023, sa Amman, kabisera ng Jordan, sina Zhai Jun, Espesyal na Sugo ng Pamahalaang Tsino sa isyu ng Gitnang Silangan, at Philippe Lazzarini, Komisyoner-Heneral ng United Nations Relief and Works Agency for Palestine Refugees in the Near East (UNRWA).
Ani Lazzarini, na lumalala ang kasalukuyang situwasyon sa Gaza, at nanawagan siya sa komunidad ng daigdig na magsikap para isakatuparan ang tigil-putukan sa lalong madaling panahon upang makapasok ang mas maraming makataong tulong.
Nagpapasalamat aniya ng UNRWA sa Tsina sa pagiging mahalagang kasama, palaging suporta at tulong pinansyal, at ipinagkaloob na pangkagipitang makataong tulong sa Gaza sapul nang sumiklab ang labanan.
Nakahandang palakasin ng UNRWA ang pakikipagkooperasyon sa Tsina para maiwasan ang lalo pang paglala ng situwasyon sa Gaza, aniya.
Ipinahayag naman ni Zhai ang pagkabahala ng Tsina sa tensyon sa pagitan ng Israel at Palestina, at pakikiramay sa mga biktima ng labanan.
Nanawagan siya para sa agarang pagkakaroon ng tigil-putukan, pangangalaga sa mga sibiliyan, at pag-iwas sa mas malubhang makataong sakuna.
Aniya, suportado ng Tsina ang gawain ng UNRWA at patuloy itong magbibigay-ambag sa UNRWA.
Dagdag niya, handang i-enkorahe ng Tsina ang internasyonal na komunidad upang dagdagan ang kanilang tulong sa Palestina sa pamamagitan ng UNRWA upang mas mapabuti ang kalagayan pangkabuhayan sa lugar.
Salin:Sarah
Pulido:Rhio